Calendar
Contractors ng kwestiyonableng proyekto sa Bulacan inimbitahan sa House Infra-Comm probe
IMBITADO sa pagdinig ng House Infrastructure Committee (Infra-Comm) ang mga contractor ng kwestiyonableng proyekto sa Bulacan na personal na pinuntahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang makita ang substandard na pagkakagawa nito.
“Very important lang po at this point na i-announce nga natin na tuloy po ‘yung House Infrastructure Committee hearing sa September 2. Magsisimula po ito ng 9 am sa darating pong Martes,” ani Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chair ng House Committee on Public Accounts, isa sa tatlong panel na bumubuo ng Infra-Comm.
“At lahat po ng mga kailangan imbitahan na mga resource persons, kasama po dyan ‘yung officials ng DPWH, yung po lahat ng mga kontratista na binabanggit po ng Pangulo na nakakuha ng malalaking mga flood control projects,” dagdag niya.
Sinabi ng mambabatas na ang mga kompanyang sangkot sa kontrobersiya ay kailangan ding magpaliwanag.
“Iimbitahan din po natin yung itinuturo na kontratista ng Ghost Projects sa Bulacan. Iimbitahan din po natin yung iba pang mga ahensya ng gobyerno na makapagbigay po ng konteksto dito sa proseso ng pagkakaroon ng mga proyekto ng gobyerno,” pagpapatuloy ni Ridon.
Binigyang-diin niya na dapat ding humarap ang Government Procurement Policy Board at ang Philippine Contractors Accreditation Board, dahil sa mga bagong alegasyon na maaaring nabahiran ng katiwalian kahit ang proseso ng akreditasyon ng mga contractor.
“Very important siguro na maglinang po sila dahil meron pong fresh allegation from the Senate na even po yung accreditation daw po ng mga kontratista ay abat-bat daw po ng katiwalian,” sabi ni Ridon.
Sa press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Ridon na ang kontrobersyal na mga proyektong tinukoy sa Bulacan ay hindi congressional insertions, kundi mga panukala na kasama na sa National Expenditure Program (NEP) na inihanda ng Department of Public Works and Highways.
Binigyang-diin niya ang implikasyon ng natuklasang ito, na kahit ang mga proyektong dumaan na sa pagsusuri ng ehekutibo ay maaari pa ring maging anomalya.
“So ibig sabihin, these projects were originated as a DPWH proposal. It was never a proposal from Congress nor was it a proposal from the Senate. … Pero nakita nga po natin ngayon na even NEP-originated projects can actually be subject to ghost projects and substandard projects. So ibig sabihin, talagang lahat po ng mga tipo ng mga proyekto, whether NEP-originated or Congressional Initiative-originated projects, dapat po masilip at masiyasat po ng House Infrastructure Committee,” aniya.
Tungkol naman sa saklaw ng imbestigasyon, nilinaw ni Ridon na ang unang pagdinig ay tututok sa mga proyektong Bulacan na binisita na ng Pangulo.
Sinabi niya na tatalakayin sa hearing ang iba’t ibang isyu na lumabas sa mga site visit, kabilang ang ghost projects, undercapitalized firms, at contractors na inakusahan ng paghahatid ng substandard na trabaho.
Nagbigay din ng reaksyon ang mga mambabatas sa mungkahi ni dating Sen. Panfilo Lacson na i-adopt na lamang ng Kongreso ang NEP bilang General Appropriations Act upang maiwasan ang akusasyon ng insertions.
Mariing tinutulan ito ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, na iginiit na dapat munang kumbinsihin ni Lacson ang kanyang mga kasamahan sa Senado.
“Sa akin it will depend on the ano eh, because you know for a fact that Congress has 314 Congressman no. … kung sinabi lang yan ni Sen. Lacson, he must first of all convince the Senate na kampihan siya sa mga bagay na ito,” sabi ni Abante.
Mas mariin pang tinutulan ni Ridon ang panukala ni Lacson, na aniya ay tila pagsuko ng Kongreso sa kapangyarihan nitong hawakan ang pondo.
“Very important na linawin natin what he actually wants. Una sa lahat, ayaw natin yun … Bakit isusuko ng Kongreso, yung una, over the budget, pangalawa yung kapangyarihan ng power of the purse to look into executive proposals? So I think that should be flatly rejected,” sabi ni Ridon.

