Tulfo

Hiling mula Senado: Tayo ng PH sa One-China Policy linawin

183 Views

NANAWAGAN sina Senators Erwin Tulfo at Imee Marcos na muling busisiin ang One-China Policy ng bansa, sa gitna ng aktibidad ng China sa West Philippine Sea (WPS) at banta ng sigalot sa Taiwan Strait.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni Tulfo na hindi na tumutugma ang kasalukuyang polisiya sa asal ng Beijing. “I believe it is high time that we think our position if we must continue to observe this One China Policy because of the fact that we are not being respected while we respect what they want,” aniya.

Binigyang-diin niya ang mga ulat ng pagpapaalis sa mga mangingisdang Pilipino at paninita sa coast guard at navy. “They (China) can come in and out and we can’t do anything… Our fishermen were driven away back to our shores… in my opinion we really have to think of our position,” dagdag niya.

Pinuna rin ni Tulfo ang hindi pagdalo ng Department of National Defense (DND) sa pagdinig at iminungkahing ipatawag ang mga opisyal sa pamamagitan ng subpoena.

Giit niya, tanging DND at Armed Forces of the Philippines ang makasasagot sa mga usaping pangseguridad. Nagtanong rin siya kung aktibo at epektibo pa ba ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) lalo sa pagtulong sa humanitarian operations.

Kinatigan ni Marcos ang panawagan ni Tulfo. Ipinaalala niyang kinikilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China mula pa 1975, ngunit nagpapanatili rin ng ugnayan sa Taiwan sa pamamagitan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).

“Let us remember that the One-China Policy has been in place since 1975. But the United States itself recognizes China while at the same time equipping and supporting Taiwan. This contradiction is something we cannot ignore,” paliwanag niya.

Idiniin din ni Marcos na dapat ipaliwanag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung paano maiaangkop ang mga pahayag ng Pangulo sa opisyal na polisiya, matapos igiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi maiiwasang madamay ang Pilipinas sa tensiyon sa Taiwan dahil sa mga kasunduang depensa—isang pahayag na mariing tinuligsa ng Beijing bilang “playing with fire.”

Nagbabala si Sen. Loren Legarda na ang kalabuan sa posisyon ng bansa ay maaaring makasira sa kredibilidad ng Pilipinas sa ASEAN at makaapekto sa ambisyon nitong makaupo sa United Nations Security Council sa 2026.

Binigyang-diin ni Marcos sa pagtatapos ng pagdinig: “We cannot afford to be ambiguous. Our people must know exactly where we stand. Are we truly committed to One-China? Or are we already drifting into a confrontation not of our making?”.

Sa kabuuan, lumalakas ang panawagan sa Senado para sa komprehensibong pagsusuri ng One-China Policy, upang tiyakin na malinaw ang tindig ng bansa sa harap ng agresyon ng China, alyansa sa U.S., at posibleng krisis sa Taiwan.