Zubiri

Zubiri pinuri hakbang ng BSP vs bayad sa online gambling gamit e-wallet

203 Views

IPINAHAYAG ni Senate Deputy Minority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kanyang suporta sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos itong maglabas ng mas mahigpit na panuntunan laban sa mga payment service providers (PSPs) na nagpoproseso ng mga bayad sa online gambling gamit ang e-wallet o mga digital wallet.

Tinukoy ng senador na ang mga transaksyong gamit ang mobile wallet para tumaya o magpadala ng pera sa online sugalan ang siyang nagpapalakas sa lumalalang bisyo sa bansa, kaya mahalagang kontrolin ito.

“I applaud the Bangko Sentral ng Pilipinas on its decisive move to enforce tighter restrictions on payment service providers engaged in online gambling payment services.

This BSP circular strengthens our move to lessen, if not eliminate, the accessibility of online gambling to the average Filipino,” ani Zubiri.

Ang panukalang circular ng BSP ay tahasang ipinagbabawal sa mga PSP ang pagtanggap at pagproseso ng bayad para sa online gambling na isinasagawa sa pamamagitan ng e-wallet o digital payment apps gaya ng GCash, Maya, at iba pa. Ibig sabihin, kung ang isang transaksyon ay nagmumula sa isang e-wallet na ginagamit upang maglagay ng pusta, bumili ng credits, o magbayad sa isang online gambling platform, ito ay awtomatikong dapat tanggihan.

Magkakaroon din ng mga limitasyon sa transaksyon, kabilang ang arawang cap na 20 porsyento ng karaniwang balanse ng account, at anim na oras lang kada araw ang itatakdang window kung kailan maaaring pahintulutan ang anumang pagbabayad na may kaugnayan sa online gambling. Kapag lumagpas sa mga limitasyong ito, obligado ang PSP na tanggihan ang transaksyon.

Para kay Zubiri, malinaw na ang layunin ng BSP ay bawasan o pigilan ang kaginhawaan ng paggamit ng mga elektronikong pitaka upang makapagsugal online. Ipinaliwanag niya na lumalaganap ang sugal sa pamamagitan ng madaling access, lalo na sa mga platform na tumatanggap ng bayad gamit ang mobile wallets. Sa gayon, mas mahirap itong pigilan kung hindi ito tatapalan sa pinagmumulan ng pondo.

“Accessibility really is the root cause for our country’s online gambling problem. Kahit sino basta may smart phone, internet connection at konting pera, puwede nang magsugal kahit saan, kahit kailan,” aniya, at binigyang-linaw na marami na itong naging bunga gaya ng utang, pagkawasak ng pamilya, at pagpasok sa kriminalidad.

Si Zubiri, na may akda ng Anti-Online Gambling Bill na layong ipagbawal ang lahat ng anyo ng online sugal, ay nagsabing ang direktibang ito mula sa BSP ay umaalinsunod sa adhikain ng kanyang panukala. Bagamat kanyang itinutulak ang total ban sa online sugal, sinabi niyang malaking bagay ang agarang pagsasara ng mga payment gateway—kabilang na ang mga mobile at e-wallet services—na ginagamit ng industriya.

“If we cut the problem at the root, if we make online gambling sites less accessible, then we will be saving a lot of people from a lot of trouble,” aniya. “Kaya saludo ako sa BSP for taking a strong stand to curb online gambling, and I hope this signals the Executive being more open to hardline legislation against this social menace.”

Binigyang-diin ng senador na hindi lang ito usaping pananalapi kundi mas malalim pa—isa itong suliraning panlipunan na kailangang tapatan ng agarang aksyon upang mapangalagaan ang pamilyang Pilipino. Babala niya, ang bawat araw ng pagkaantala ay panibagong pagkakataon para sa mga sindikato na humanap ng butas at magpatuloy sa pananamantala.

Nanindigan si Zubiri na hindi niya binibitawan ang panukalang total ban, ngunit iginiit niyang malaking bagay ang mga agarang hakbangin tulad ng regulasyon sa mga digital na bayad upang pansamantalang mapigilan ang pagkalat ng online sugal habang tinatalakay pa sa Kongreso ang mas mahigpit na batas.

Hinimok rin niya ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na kumilos, sa pagsasabing kailangan ng iisang direksyon upang tuluyang masugpo ang online gambling.