Calendar
Huwag nating hayaan na maging alipin tayo ng utang na loob kahit sa maling paraan (MARCOS 6:17-21)
“DALI-DALING nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista,” sabi ng dalaga. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kaniyang sumpa na narinig ng kaniyang mga panauhin. Hindi niya matanggihan ang dalaga,”. (Marcos 6:25-26)
ANG isa sa mga kustombre nating mga Pilipino ay ang pagbabayad utang o ang pagtanaw ng utang na loob sa taong pinagkaka-utangan natin. Ito ay dahil sa maliit o malaking pabor na nakuha natin mula taong ating nilapitan.
Sa larangan ng politika, buhay na buhay ang “pagbabayad ng utang na loob” partikular na nitong nakalipas na eleksiyon. Tinitiyak kong maraming mga kababayan natin ngayon ang naniningil ng “utang na loob” mula sa mga politikong sinuportahan nila.
Ang salitang “utang na loob” ay matutunghayan natin ngayon sa Mabuting Balita (Marcos 6:17-21) sa paggunita ng pagpapakasakit ni Juan Bautista. Ito ang araw na pinapugutan siya ng ulo ni Herodes ng dahil sa pagbabayad ng utang na loob.
Ano-ano bang mga aral ang maaari nating mapulot at matutunan mula sa kuwentong ito? Bukod sa tema ng “utang na loob”. Hayaan ninyong isa-sahin natin ang mga puntong inilalahad ng Pagbasa na pupuwede nating pagnilayan at sa bandang huli ay ating isapuso at magsilbing babala para sa atin.
MAS NANININDIGAN PA SA KUNG ANO ANG HINDI TAMA:
Mababasa natin sa Ebanghelyo na pinaalalahanan ni Juan Bautista si haring Herodes tungkol sa pakikipag-relasyon nito kay Herodias na asawa ng kaniyang namayapang kapatid na si Felipe. Sa halip na sundin ni Herodes ang paalala ni Juan. (Marcos 6:18)
Ito ay binalewala lamang ni Herodes. Bagkos, ipinagapos at ipinakulong pa nito si Juan dahil narin sa utos ni Herodias. (Marcos 6:17) Imbis na ituwid ni Herodes ang kaniyang pagkakamali. Mas nanindigan pa siya kung ano ang mali at immoral.
Ipinabatid na ni Juan kay Herodes na hindi tama at immoral ang kaniyang guinagawa. Subalit hindi naman nito pinakinggan kundi nag-tengang kawali lamang ang hari.
Gustong-gusto niyang nakikinig sa mga aral ni Juan pero hanggang duon lang iyon. Anong silbi ng pakikinig kung hindi mo naman susundin. (Marcos 6:20)
Marami sa atin ngayon ang hindi nalalayo kay haring Herodes. Bakit? Sapagkat sa halip manindigan sila kung ano ang tama at matuwid. Mas pinaninindigan nila kung ano ang hindi tama at masama. Ang dahilan nito ay ang “utang na loob”.
Nang dahil sa utang na loob na iyan. May mga tao ang kitang-kita mong nagpapaka-alipin sa taong pinagkaka-utangan nila kahit pa sila’y magmukhang robot na de-susi o isang asong sunod-sunuran sa kaniyang amo. Hindi nila kayang manindigan ng dahil sa pagbabayad ng utang na loob kahit mali na.
Hindi tama ang pagmumura sa Panginoong Diyos. Hindi tama at paglapastangan na tawagin mong “stupid” ang Diyos. Pero may nagsabi ba na “hindi po tama ang ginagawa niyo. Itigil niyo iyan”. Pero sa halip, nagpalakpakan at nagtawanan pa ang mga tao.
Kitang-kita ng kanilang dalawang mata na hindi na tama ang binubulalas at ginagawa ng taong ito. Subalit ang kaniyang mga panatiko ay nanatiling tahimik at nagsawalang kibo gaya ni Herodes na nanindigan pa sa mali kesa sa tama at matuwid.
ANG PAGTANAW NG UTANG NA LOOB AY DAPAT ILAGAY SA TAMANG LUGAR:
Matutunghayan din natin sa Pagbasa ang pabor na nakuha ni Herodes mula sa anak ni Herodias nang ito’y magsayaw sa harap ng kaniyang mga panauhin sa araw ng kaarawan ng hari. Upang siya’y makabayad ng utang na loob dahil sa pabor na iyon, sinabi niya sa dalaga na hilingin nito anoman ang kaniyang maibigan. (Marcos 6:22-24)
Hindi na nakatanggi si Herodes nang hilingin ng dalaga ang ulo ni Juan Bautista ayon narin sa utos ng kaniyang ina (Herodias) – (Marcos 6:24). Hindi tama ang hinihiling ng dalaga sapagkat ito’y malinaw na pagkitil sa buhay ng isang taong inosente.
Walang lakas ng loob at matatag na paninindigan si Herodes para kontrahin o suwayin ang dalaga kahit na ba mayroong siyang utang na loob dito. Mali na nga pakikisama nito kay Herodias, dinagdagan pa niya ng isa pang kamalian.
NABAON na sa utang na loob si haring Herodes. Una kay Herodias (ano man ang kaniyang pinagkaka-utangan ay hindi na inilahad sa kuwento) at sumunod sa dalagang anak nito. Ang pagbabayad nito ng “utang na loob” ang kumokontrol na sa kaniyang buhay.
Ang pagtanaw o pagbabayad ng utang na loob ay hindi masama. Subalit kailangan din naman nating ilagay sa tamang lugar. Papaano kung hindi tama ang pamamaraan? Alin ba ang mas mahalaga? Ang tawagin tayong ingrato pero nanindigan tayo kung ano ang tama o ang magbayad ng utang na loob pero ikakapahamak natin?
ARAL NA DAPAT NATING PAGNILAYAN:
Minsan, kahit alam na nating mali at hindi tama. Nang dahil sa pagtanaw ng na loob, tayo ay nagiging sunod-sunuran hanggang sa hindi natin namamalayan na ang taong pinagkaka-utangan natin ang kumo-kontrol na sa personal nating buhay.
Si Herodes ay mananatili sa ating kasalukuyang panahon hangga’t may mga taong takot labanan ang mali, takot manindigan sa katuwiran at nagsasawalang kibo sa kabuktutang ginagawa ng kanilang kapwa at nagbabayad ng utang na loob kahit sa maling paraan.
Si haring Herodes ay mananatili hangga’t may mga taong mas kinakampihan pa ang mga gumagawa ng katiwalian kaysa sa mga nagsisiwalat ng katotohanan. Mananatili si Herodes sa mga taong mas kumakampi doon sa taong nagpapatay ng mga inosenteng biktima kaysa sa naulilang pamilya.
AMEN

