Puno

Muling napondohang tapos na mga proyekto kinuwestyon

225 Views

KINUWESTYON ng isang mambabatas ang isinumiteng 2026 National Expenditure Program ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso matapos mabunyag na muling napondohan dito ang mga tapos ng proyekto.

Ibinunyag ni House Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno sa isang press conference nitong Biyernes na sa Marikina City ay muling napondohan ang mga infrastructure project ng DPWH na gawa na.

“Yung pinaka-nakakatawang example ‘yung sa Marikina kay Congressman Marcy Teodoro. Dumating ‘yung kanyang proposed NEP for 2026. Nung nakita niya, magkatabi kami dun sa hearing, eh sabi niya Sec. sosoli ko na ito sa DBM? Bakit? Eh sabi niya lahat ng projects na nakalista dito tapos na eh,” ani Puno.

Ayon kay Puno, sinabi sa kanya ni Teodoro na hindi nakasama sa 2026 NEP ang proyekto na pinuntahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Puno, chairman ng National Unity Party (NUP), hindi lamang sa Marikina mayroong problema ang mga proyekto ng DPWH na nakasaad sa NEP.

Ipinaliwanag niya na ang mga flood control projects na kailangan sa kanyang distrito at nasimulan na sa mga nakaraang taon subalit hindi pa natatapos ay nawala sa NEP.

“Ngayon tinginan kami sa aming mga NEP. Ako nabigyan ako ng kopya ng district engineer. Pag-submit niya, nagkaroon rin ako ng kopya ng report ng regional director nung sinubmit nila sa national. Alam mo kung ano natanggap namin… lahat ng projects dun nawala eh priority namin yun eh,” aniya, at iginiit na hindi ito mga bagong hiling kundi bahagi ng nagpapatuloy na programa.

Inilarawan ng mambabatas na natapos na sa Antipolo ang unang bahagi ng flood control system na nag-aalis ng tubig papalayo sa Marikina.

Ngunit kung walang pagpapatuloy ng mga kasunod na yugto, binalaan niya na mananatiling lumulubog ang mga komunidad gaya ng Mayamot at Kingsville tuwing tag-ulan.

“Kaya hindi na kami nagtatapon ng tubig sa Marikina dahil natapos na namin ang first stage. Problema namin, tumatapon pa rin kami sa Cainta. Ngayon, nawala lahat ng mga aming sinetup sa Mayamot eh kaya kawawa ka kung nakatira ka sa mga Kingsville,” aniya, at itinuro na patuloy pa ring binabaha ang mga residente kahit dapat ay may pondong inilaan sa mga proyekto.

Ikinagalit ni Puno na habang nawawala ang mga proyektong mahalaga para sa kaniyang distrito, may mga bagong pondong hindi alam ang pinagmulan ang biglang lumitaw sa NEP, ilan ay pinalaki o binawasan nang labis.

“Tapos ito malungkot, napalitan ng project hindi namin alam kung saan galing. Daang milyon, hindi namin alam saan galing. O yung P70M na project ginawa nilang P1M. O yung mga P100M ginawa P700. Ginulo talaga,” aniya.

Binigyang-diin niya na napakaklaro ng mga pagkakamali na maging ibang party leaders at senior legislators ay naging biktima rin ng parehong manipulasyon.

Sinabi ni Puno na ang naging reaksiyon ng mga mambabatas ay pagkadismaya at galit kung paano nakalusot ang ganitong mga pagbabago sa sistema.

Ipinunto ng Deputy Speaker ang pangangailangang imbestigahan kung paano naipasok ang mga pagkakamaling ito, lalo na’t DBM at DPWH ang may pananagutan sa pagpapasa ng mga dokumento.

Aniya, hindi ito dapat ituring na simpleng “errata” lamang dahil sa lawak at dalas ng mga anomalya.

“Kasama na siguro yun eh halimbawa bakit mo ilalagay sa Marikina yung project na tapos na kasi pag na-approve ang budget na walang nagbasa na na-approve yun, eh di pasok yung pera. O sino ngayon magagawa ng implementation niya eh di yung ahensya,” aniya, at inilarawan kung paanong maaaring makinabang ang mga ahensya mula sa dobleng alokasyon.

Giit niya, hindi ito basta usapin ng oversight failures kundi nangangailangan ng masusing imbestigasyon sa proseso ng paghahanda ng budget. Dagdag pa niya, hindi sapat na isisi lamang sa DPWH dahil may papel din ang DBM sa pagpapasa ng NEP na may lantad na anomalya.

“So yun yun ang problema natin. Maraming lumalabas na ganyan. Ngayon dun sa ibang mga agencies sinabi ko na nga eh hindi kami kasali sa pag formulate… pero sa tingin ko baka walang nangyayari katulad dito sa DPWH. Nako, kawawa yung mga kasama kong congressman na nabibintang nang wala namang kasalanan,” aniya.

Sa kabila ng mga pagbubunyag na ito, sinabi ni Puno na karamihan ng mga miyembro ng Kamara ay masigasig at masipag, binabasa ang makapal na dokumento para gampanan ang kanilang tungkulin, ngunit inamin niyang mahirap para sa mga mambabatas na masala lahat ng iregularidad dahil sa dami ng teknikal na datos.

“At nakikita ko naman marami talagang seryoso naman sa trabaho. Siguro hindi naman kami 100% perfect na House ano. Pero by and large, masipag sila… pero isipin mo ang dami nga ng trabaho. Ang hirap na sundan lahat ng nakikita nila. Tapos biglang tatamahan ka ng ganito na hindi mo alam paano mo iso-solve,” ani Puno.