Torre

Wala akong sama ng loob sa Pangulo–ex-PNP chief Torre

Alfred Dalizon Aug 29, 2025
278 Views

SINABI ng nasibak na Philippine National Police chief General Nicolas D. Torre III na wala siyang sama ng loob kay President Ferdinand R. Marcos Jr. sa kabila ng pagkakasibak nito sa kanya.

Ayon sa heneral, ipagpapatuloy niya ang paglilingkod kung sakaling bibigyan siya ng bagong pwesto.

“Una sa lahat, maraming salamat sa aking mga taga-suporta. Ramdam ko ang inyong pagmamahal at tiwala sa kabila ng lahat ng mga kaganapan at nagaganap. Ang inyong salita at panalangin ay nagsisilbi, nagsilbi at magsisilbing lakas at inspirasyon ko,” sabi ni Torre.

“Ikalawa, salamat din sa mga naawa sa akin, ngunit hinihiling ko ‘wag ninyo akong kawaaan. In spite of my abrupt removal as chief of the Philippine National Police, okay po ako.

Kung meron man tayong dapat kaawaan, yun ay ang milyon-milyon nating mga kababayan na paulit-ulit na nagiging biktima ng palagiang pagbaha,” sabi ni Torre.

Malakas ang ugong na bibigyan ng bagong pwesto ang nasibak na heneral.

Dalawa ang umuugong na destinasyon ni Torre–ang Department of Public Works and Highways o National Bureau of Investigation. May tsismis din na itatalagang ‘flood control czar’ si Torre.

Pinalitan si Torre bilang hepe ng PNP ni Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.

“Inuulit ko, wala akong sama ng loob sa ating Pangulo. Nauunawan ko na kelangan niyang gumawa ng mabibigat na desisyon at ang pagkaalis ko bilang Chief of the Philippine National Police ay isa lamang sa mga ito.

Pulis pa rin naman ako and I serve and I still continue to serve at the pleasure of the President and our country. Mabuhay po tayong lahat. Mabuhay ang bagong Pilipinas,” sabi ni Gen. Torre.

Nag-file na ng leave si Gen. Torre simula Agosto 28 hanggang Sept. 29.