Puno1 House Deputy Speaker Ronaldo “Ronnie” Puno

Miyembro ng Kamara walang say sa konstruksyon ng mga paaralan

338 Views

WALANG kapangyarihan ang mga mambabatas na paghati-hatian ang pondo para sa pagpapatayo ng mga paaralan sa ilalim ng pambansang budget, taliwas sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte na ginawa umano ito ng mga miyembro ng Kongreso.

Sa isang press briefing, sinabi ni House Deputy Speaker at Antipolo 1st District Rep. Ronaldo “Ronnie” V. Puno na ang pagpapatayo ng mga silid-aralan ay nakabatay sa mga prayoridad ng Department of Education (DepEd) at ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Malinaw ang procedure sa classrooms. Kailangan nandiyan ka sa listahan ng DepEd. Kailangan na-identify ka sa place that really needs classrooms more than the other places. Tapos na-identify na ‘yun… pupunta sa DPWH, siya ang magko-construct,” ani Puno, chairman ng National Unity Party (NUP), bilang tugon sa tanong kaugnay ng alegasyon ni VP Duterte.

Aniya, dahil ang DPWH ay maraming pambansang prayoridad tulad ng mga kalsada, tulay at iba pang imprastruktura, kadalasan ay natatagalan ang pagpapatupad ng classroom projects kahit pa natukoy na ng DepEd ang mga lugar na kailangang tayuan ng dagdag na silid-aralan.

Ito ang dahilan kung bakit, ayon kay Puno, nakasalalay sa Kongreso ang masusing pagbabantay sa bawat pisong inilalabas sa budget.

“So siyempre, maraming priorities sa DPWH. Gumagawa rin ‘yan ng tulay, gumagawa rin ‘yan ng kalye, gumagawa ng kung ano-ano. So ‘pag pumasok ang classroom, kung minsan, hindi nabibigyan ng priority, kaya medyo mas tumatagal. So kailangan mabantayan ‘yan, lahat ng salapi ng bayan dapat bantayan,” dagdag pa niya.

Naging isyu ito matapos sabihin ni Duterte na hinahati-hati umano ng mga mambabatas ang pondo ng DepEd para sa school buildings.

Ipinaliwanag ni Puno na hindi kapani-paniwala ang ganitong pahayag dahil sa proseso ng budget sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), ang mga ahensya ang nagsusumite ng kanilang panukala sa Department of Budget and Management (DBM).

Para sa mga kongresista, ang tanging bahagi lamang kung saan maaari silang magmungkahi ng proyekto ay sa DPWH portion ng NEP, at limitado lamang ito sa maliliit na lokal na imprastruktura gaya ng footbridges at farm-to-market roads.

“Iyong National Expenditure Program na sinusumite ng bawat ahensya, the only National Expenditure Program na may initiative power or ability ‘yung congressman is DPWH. Ang rason diyan is kasi doon sa NEP na binibigay ng DPWH sa DBM merong portion doon that are for local infrastructure projects,” paliwanag ni Puno.

Binigyang-diin niya na walang kapangyarihan ang mga mambabatas na magdikta ng pondo para sa mga pambansang proyekto gaya ng highways, government buildings o classroom construction, at tanging kapag mismong DepEd ang humihingi ng input mula sa kanila hinggil sa lokal na pangangailangan sila maaaring makasali.

“Wala kaming nabibigay na suggestions on national projects. For example, national highway, national buildings, ala kaming karapatan gumawan doon… So doon naman sa DepEd, wala naman kapasidad din ang congressman mag-initiate except ‘pag kinonsulta sila ng DepEd,” paglilinaw niya.

Bilang halimbawa, sinabi ni Puno na gumagawa ang DepEd ng pangmatagalang plano upang tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan—na tinatayang nasa 40,000 classrooms sa buong bansa—sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga lugar na pinaka-apektado at pagpapanukala ng mga proyekto para maisama sa susunod na budget. Susuriin naman ng Kongreso ang mga panukalang ito bilang bahagi ng kanilang oversight function.

“Papaano nila pupunan ‘yung 40,000 classrooms na ‘yun? Gagawa sila ng plan nationwide, base sa kung sinong priority, sinong mas nangangailangan. Tapos doon nila ilalagay ‘yung kanilang mga proposal for the NEP 2026,” aniya.

Ito ang dahilan, giit ni Puno, kung bakit napakahalaga na manatiling mapagbantay ang mga mambabatas sa pagsusuri ng bawat submission ng mga ahensya dahil ang kanilang konstitusyonal na tungkulin ay tiyakin ang pananagutan, hindi ang mamahagi ng pondo.

“So kung sasabihin natin na dapat bantayan, talaga, lahat ng mga bagay na nasa National Expenditure Program, dapat titig talaga. In fact ‘yan ang katungkulan, that’s the obligation of Congress. We really have to look at it,” sabi ni Puno.