Calendar
Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno
Opisyal ng Davao pinayuhan wag magtampo kung suriin mga proyekto sa baha
PARA sa isang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dapat ay hindi personalin at maging bukas si Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa mga pagsusuri sa mga flood control project sa Davao City kung wala itong itinatago.
“Kaya bilang mga tagapaglingkod ng ating gobyerno, huwag na tayo magtampo kung titingnan ‘yung ating mga project doon. Baka maganda ‘yun, di ba, baka mapuri pa sila,” pahayag ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno.
Ipinaliwanag ni Puno, na chairman ng National Unity Party (NUP), na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat laging handang magpaliwanag kung paano ginamit ang pondo ng bayan, lalo na’t patuloy pa rin ang pagbaha sa lungsod sa kabila ng malaking pondo na inilaan para sa anti-flood systems dito.
“Siguro kung public official ka, siguro tanggapin mo lahat ng klase ng pag-iimbestiga eh. Kasama ‘yan sa trabaho. At kung gusto mong patunayan na maayos ‘yung ginawa mo, bakit hindi ka papayag na tingnan nila lahat? Gano’n lang ‘yun,” ani Puno.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi lang ang Davao City ang iniimbestigahan, kundi may iba pang rehiyon na natukoy para suriin kaugnay ng kwestyonableng flood control spending.
Dagdag pa niya, bahagi ng mandato ng Kongreso ang oversight at hindi ito pag-atake sa mga lokal na opisyal.
“Hindi lang naman Davao City, in fairness, ang iimbestigahan ng committee… Ang alam ko, marami silang areas na iimbestigahan. Hindi lang ‘yan, pati ‘yung pinuntahan ni Presidente sa Baguio, sa Mountain Province, pupuntahan din na lahat ‘yun. At ‘yung lahat ng mga binanggit ni Sen. [Ping] Lacson, I’m sure pupuntahan nila ‘yun,” sabi ni Puno.
Naging mas mahalaga ang pagsusuri ng Kamara sa mga flood control project matapos ang kamakailang pagbaha sa Davao City na lumubog ang daan-daang barangay at nagpaalis sa maraming residente.
Ayon sa mga opisyal, ipinakita ng kalamidad ang pangangailangan na tiyakin kung maayos bang naipatupad ang mga proyekto at kung nagamit ba nang tama ang pondong inilaan para rito.
Binigyang-diin ni Puno na maaaring maging pabor pa ito sa mga lokal na opisyal dahil ang tamang oversight ay maaaring magpatunay na ang mga proyekto ay maayos at epektibo at hindi nadungisan ng iregularidad.
“May ibang province pa na alam kong pupuntahan nila… pero hindi naman sini-single out ang Davao City,” ani Puno.

