Martin Speaker Ferdinand Martin Romualdez

P20/kilo bigas para sa transport sector, napapanahong tulong — Speaker Romualdez

333 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsama sa mga jeepney at tricycle driver sa programa ng Department of Agriculture (DA) na “Benteng Bigas Meron Na” (BBM Na), na isa umanong napapanahong tulong sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang pagpapalawak ng programa ay patunay ng malasakit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ng kanyang hangaring maihatid ang pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga higit na nangangailangan.

“Apektado ang ating mga jeepney at tricycle driver sa magkakasunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kaya’t madalas silang nag-aalala kung paano pagkakasyahin ang kanilang kita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Romualdez.

“Sa tulong ng Department of Agriculture at ng Kadiwa ng Pangulo, makakahinga na nang maluwag ang ating mga tsuper at makakapag-uwi ng mura at de-kalidad na bigas para sa kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Sa paglulunsad ng P20 per kilo rice program para sa mga mangingisda sa Navotas Fish Port noong Biyernes, inanunsyo ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., katuwang si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vivencio “Vince” Dizon, na isasama rin ang mga jeepney at tricycle driver bilang mga benepisyaryo ng BBM Na.

“Ito ang klase ng lingkod-bayan sa ilalim ng Marcos administration—mga programang damang-dama ng ating mga kababayan dahil maingat na pinag-isipan at tunay na nakatutulong upang mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino,” saad pa ni Romualdez.

Ang programa para sa transport sector ay ilulunsad sa limang pilot areas sa buong bansa sa Setyembre 16.

Ang mga benepisyaryo na irerekomenda ng DOTr ay maaaring bumili ng hanggang 10 kilos ng bigas kada buwan sa 212 Kadiwa ng Pangulo outlets at mga accredited sites sa mga lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyan, ang murang bigas ay nakalaan para sa mga magsasaka ng palay, mangingisda, minimum wage earners, senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at mga benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Layunin ng DA na maabot ng P20 rice program ang 15 milyong pamilya o halos 60 milyong Pilipino.

Ayon kay Speaker Romualdez, mahalagang isama ang mga jeepney at tricycle driver dahil sila ang pinaka-apektado sa pabagu-bagong presyo ng petrolyo.

Inulit ng pinuno ng Kamara de Representantes ang kanyang pangako na ipagpapatuloy ang mga hakbang upang gawing permanent government initiative ang BBM Na program.

“Bagama’t patunay ang inisyatibong ito na nakikinig ang Marcos administration sa hinaing ng ating mga kababayan, hindi dapat tumigil ang pagpapalawig ng programang ito sa ating mga tsuper at iba pang sektor. Buo ang ating suporta sa pangarap ng Pangulo na bigyan ng pagkakataon at pag-asa ang ating kapos-palad na kababayan upang maibsan ang gutom at mapagaan ang kanilang buhay,” saad ni Speaker Romualdez.

Hinikayat din ng mambabatas ang DA na ayusin pa ang sistema ng pagbili upang hindi na magtagal sa pila ang mga benepisyaryo.

“As public servants, we must uphold the dignity of our countrymen by ensuring that government programs are easily accessible and consistently felt by the people they are meant to serve. By extending this program to jeepney and tricycle drivers, we also affirm their vital role as partners in driving our nation’s growth and prosperity,” giit ng kongresista.

“This is the brand of governance under Bagong Pilipinas—an inclusive, proactive, and responsive government that listens to its people and works tirelessly to meet their most urgent needs,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.