Abante1 Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Abante sa reklamo ni Tiangco: Bakit ngayon lang?

394 Views

HINDI umano tama ang ginagawang pandidikdik ni Navotas Rep. Toby Tiangco kay House appropriations committee chairperson Rep. Mika Suansing ng Nueva Ecija kaugnay ng report ng small committee ng nakaraang Kongreso.

Ayon kay Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., matagal na si Tiangco sa Kongreso at dapat ay noon pa siya nagsalita kaugnay ng kanyang inirereklamo ngayon.

“And I would like to say, kawawa naman si Congresswoman Suansing because siya, batang-bata siyang legislator, hindi pa siya, hindi pa niya time ‘yun,” pahayag ni Abante, chairman ng House committee on human rights, sa panayam ng Bilyonaryo TV noong Biyernes.

Sa nagdaang pagtalakay ng komite, iginiit ni Tiangco na dapat ilabas ang report ng small committee noong 19th Congress, kung kailan si Suansing ay hindi pa chairperson ng komite.

“Oh, hindi pa niya time ‘yun. ‘Di siguro, Toby Tiangco has been there for what, the past Congress, he should have actually complained already on that before that time. Bakit ngayon lang?” ani Abante, at sinabing hindi rin tugma na ngayon lamang biglang nananawagan ng reporma si Tiangco.

Iginiit ni Abante na mali ang pagtuligsa dahil matagal ng ginagawa ng Kamara ang pagbuo ng small committee na siyang tumatanggap ng mga amyendang panukala ng bawat kongresista.

Sa briefing ng appropriations committee, hiningi ni Tiangco kay Suansing ang report ng small committee.

Sinabi ni Suansing na ang mga pagbabagong ginawa ng small committee ay makikita sa General Appropriations Bill (GAB) na isinumite ng Kamara sa Senado.

Iginiit naman ni Tiangco na ang gusto nito ay ang report ng small committee upang agad na makita ang mga pagbabago at hindi ang GAB na binubuo ng ilang libro.