patay Source: PNP Sta Catalina

Palasyo iniutos masusing imbestigasyon sa tangkang pagpatay sa kontraktor

285 Views

MARIING kinondena ng Malacañang ang tangkang pagpatay sa isang kontratista sa Negros Oriental noong Miyerkules sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa mga proyektong may kinalaman sa flood control.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang mga hakbang para sa kapayapaan at kaayusan.

“Tama lang po na imbestigahan iyan para malaman natin ang puno’t dulo niya at kinukondena natin ang mga karahasan na ito,” ani Castro sa isang press briefing sa Malacañang nitong Biyernes.

Kritikal ang lagay ng kontratista matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin na sakay ng motorsiklo sa isang highway sa bayan ng Santa Catalina, Negros Oriental noong Agosto 27.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa nasabing insidente.

Kaugnay nito, muling iginiit ni Castro na determinado si Pangulong Marcos na panagutin ang mga sangkot sa mga iregular na proyekto sa flood control.

“Alam naman natin kung ano ang nais ng Pangulo – makasuhan ang dapat makasuhan, mapanagot ang dapat na mapanagot,” ani Castro.

“At ipag-uutos pa rin ng Pangulo na dapat seryosohin ito lalo na ng mga PNP para maiwasan kung anumang krimen ang maidudulot nito kaugnay sa pag-iimbestiga sa flood control projects,” dagdag pa niya.

Samantala, ikinatuwa ng Palasyo ang aktibong pakikilahok ng publiko sa laban kontra korapsyon sa pamamagitan ng pagsusumbong ng mga substandard o pekeng flood control projects sa Sumbong sa Pangulo website, gayundin ang pagbubunyag ng marangyang pamumuhay ng ilang kontratista at ng kanilang mga kaanak.

“Hindi lamang po ang gobyerno, ang pamahalaan ang dapat kumilos kundi ang taumbayan na nakakaalam ng mga nangyayari sa paligid nila. So, mas maganda po talagang isumbong nila sa Pangulo itong mga ganitong klaseng insidente at kondisyon,” ani Castro. PCO