Delima

De Lima nananawagan sa pamahalaan para nakamit ng mga desaparecidos ang hustisya

Mar Rodriguez Sep 2, 2025
347 Views

NANANAWAGAN si neophyte Mamamayang Liberal (ML) Party List Representative Leila de Lima sa pamahalaan na gamitin nito ang lahat ng pamamaraan para magkaroon ng hustisya para sa mga “desapararecidos” kasama na ang kanilang pamilya.

Kasabay ng pagdiriwang ng International Day of the Victims of Enforced Disappearance, sinabi ni De Lima na nananatili ang mga salarin sa pagkawala ng libo-libong biktima kung saan ito aniya ay nananatiling mabigat na pasananin para sa mga naulilang pamilya.

Ayon sa kongresista, wala umanong katumbas na sakit para sa pamilya ng mga desaparecidos ang araw-araw na paghahanap ng katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ipinaliwanag din ni De Lima na ang epektibong implementasyon ng Anti-Enforced Involuntary Disappearance Act ay isang napakahalagang hakbang upang tuluyan ng matigil ang nasabing karumal-dumal na krimen.

Dagdag pa ni De Lima ang pagtitiyak na makakamit ng mga naging biktima ang hustisya kung saan binigyang diin pa ng mambabatas na hindi dapat magsilbing palamuti lamang ang naturang batas.

Nananawagan din ang Party List Lady solon para sa agarang pagsasabatas ng Commission on Human Rights (CHR) Act upang mas lalo pang mapalakas ang kakayahan ng ahensiya sa pagsugpo sa mga karumal-dumal na krimen at pagtulong narin sa mga biktima at kanilang pamilya.