Momo

Flood control projects epekto ng depektibong budget process -Momo

Mar Rodriguez Sep 2, 2025
614 Views

ANG mga eskandalo at kontrobersiya patungkol sa mga “flood control projects” ay epekto lamang ng depektibong budget process katulad ng pagsisingit ng karagdagang pondo (budget insertion) ng ilang ahensiya ng pamahalaan.

Ito ang inihayag ni Surigao del Sur 1st District Representative Romeo S. Momo, Sr., Chairman ng House Committee on Public Works, kaugnay sa isinagawang pagdinig ng Infrastructure Committee (InfraCom) hinggil sa mga flood control projects.

Ipinahayag ni Momo na ang kontrobersiya sa flood control projects na pinondohan ng tinatayang bilyon-piso ay napag-alamang epekto ng isang depektibong budget process kasama na dito ang garapalang budget insertion ng ilang ahenisya.

Sinabi ng kongresista, co-Chairman ng InfraCom, na nagsimula ang eskandalo sa flood control projects dahil sa paglaganap ng mga tinatawag na “ghost projects” at mga substandard na proyekto.

Kinukuwestiyon din ni Momo kung bakit may mga distrito ang hindi naisama sa proyekto gayong sila ay may tunay na pangangailangan katulad ng Marikina City at Antipolo City samantalang matagal na itong pino-pondohan.

“Bakit may mga ulat na P469 bilyon sa repeat funding para sa mga proyektong dapat ay tapos na o hindi na kailangan? Bakit may mga distrito tulad ng Marikina at Antipolo na hindi naisama ang mga Tunay na pangangailangan,” wika ni Momo.