QC

Parak-QC napababa kelot na umakyat sa billboard

Alfred Dalizon Sep 6, 2025
201 Views

NAPIGIL ng mga pulis tumalon ang isang lalaki mula sa billboard sa Mindanao Avenue underpass sa Quirino Highway, Quezon City noong Biyernes ng umaga, ayon sa report.

Dakong alas-7:30 ng umaga umakyat ang 29-anyos na lalaki sa bakod at LED screen ng underpass sa Quirino Highway sa Brgy. Talipapa.

Nagtangka ang lalaki na saktan ang kanyang sarili gamit ang bato pero rumesponde ang mga miyembro ng Quezon City Police District na sina Captain Darwin Pua, Corporal Mark Anthony Eva at Patrolman Eugene Christian Elayda at nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang mailigtas ang lalaki.

Kinausap ng mga pulis ang lalaki kaya napigilan na saktan ang sarili at matagumpay siyang naibaba mula sa billboard.

Nilapatan ng first aid ang lalaki at inilipat sa istasyon ng pulis para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Pinuri ni acting Philippine National Police (PNP) chief Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga rumespondeng pulis.

“Ang pagliligtas na ito ay nagpapaalala na ang tungkulin ng pulis ay hindi lang magpatupad ng batas kundi magpakita rin ng malasakit. Pinatunayan ng ating mga pulis na sa tiyaga at malasakit, may buhay na maililigtas,” ayon sa hepe ng PNP.