OEC

BI: Lahat ng OFWs dapat may OEC

Jun I Legaspi Sep 6, 2025
312 Views

ITINAKDA ng Department of Migrant Workers (DMW) na para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na aalis ng bansa upang magtrabaho sa ibang bansa ang Overseas Employment Certificate (OEC), ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Nilinaw ito ng BI matapos kumalat ang isang video online na nagpapakita ng isang bata sa paliparan na hindi nakasama ang kanyang ina sa pag-alis ng bansa.

Ipinaliwanag ng BI na ipinatutupad nila ang OEC requirement alinsunod sa mga patakaran ng DMW, na siyang nangangalaga sa tamang dokumentasyon at proteksyon ng mga OFW.

Ayon sa Republic Act No. 11641 o ang Department of Migrant Workers Act, kinakailangan ang pag-isyu ng exit clearance upang matiyak na ang mga OFW ay legal na dokumentado at protektado.

Patunay ang OEC na ang manggagawa dumaan sa tamang proseso ng pamahalaan at aalis ng bansa sa pamamagitan ng legal at ligtas na paraan. Bukod dito, ang OEC ay nagbibigay ng exemption sa travel tax at airport terminal fees para sa mga OFW.

“Ang mga Pilipinong bumibiyahe sa ibang bansa gamit ang employment visa ay kailangang magpakita ng valid na OEC, habang ang mga nasa dependent visa ay hindi kailangang kumuha ng nasabing dokumento,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Ibinahagi rin ni Viado na mayroong nakalaang OFW wing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 upang mas mapadali ang paglalakbay ng mga OFW.

Pinayuhan ng BI ang mga aalis na manggagawa na kunin ang kanilang OEC nang maaga sa pamamagitan ng opisyal na mga channel upang masiguro ang maayos at walang abalang pag-alis sa paliparan.