Roque

DTI Sec. Roque itinalaga mga pansamantalang pinuno ng CIAP, PCAB

382 Views

Itinalaga ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina A. Roque sina Doris U. Gacho at Engr. Sergie T. Retome bilang pansamantalang Executive Directors ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) at Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), ayon sa pagkakasunod. Bahagi ito ng patuloy na pagsasaayos at paglilinis sa operasyon ng dalawang ahensya.

Pansamantalang pamumunuan nina Gacho at Retome ang CIAP at PCAB habang hinihintay ang pagtatalaga ng mga permanenteng pinuno, alinsunod sa mga panuntunan at proseso ng Civil Service Commission (CSC).

“Layunin nitong matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga ahensya sa gitna ng isinasagawang reporma,” ani Sec. Roque, na kamakailan lamang ay naglagay ng CIAP at PCAB sa ilalim ng kanyang direktang superbisyon. Kasalukuyan din siyang naghahanda ng rekomendasyon ng mga bagong miyembro ng PCAB Board, kung saan pipili si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mga pinal na miyembro.

Bukod dito, inanunsyo rin ni Sec. Roque ang pagbuo ng isang Oversight and Fact-Finding Management Team sa loob ng DTI. Layunin ng espesyal na grupong ito na pangunahan ang mga imbestigasyon, pagtugon, komunikasyon, at mga hakbang sa pagresolba ng mga isyu, gaya ng kasalukuyang usapin sa lisensyahan ng PCAB.

“Ang mekanismong ito ay magsisilbing proteksyon sa interes ng publiko, magpapatatag sa pananagutan, at magpapanatili ng tiwala ng mga stakeholder,” diin ni Secretary Roque.