Calendar
Pangulong Marcos Jr. tumulak patungong Cambodia para sa kauna-unahang state visit
UMALIS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa Villamor Air Base sa Lungsod ng Pasay noong Setyembre 7, 2025, patungong Kaharian ng Cambodia para sa kanyang kauna-unahang state visit sa nasabing bansa.
Sa kanyang pre-departure statement, sinabi ni Pangulong Marcos na layunin ng kanyang pagbisita na palalimin ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia, kasunod ng pagbisita ni Punong Ministro Hun Manet sa Maynila noong Pebrero.
“Sa pamamagitan ng pinalakas na kooperasyon sa depensa at seguridad kasama ang Cambodia, umaasa tayong mapanatili ang isang mapayapa, matatag, at matibay na komunidad ng ASEAN,” aniya.
Ang tatlong (3) araw na pagbisita ng Pangulo ay bilang tugon sa imbitasyon ni Kanyang Kamahalan Haring Norodom Sihamoni, at bilang pagganti sa naunang pagbisita ni Prime Minister Hun Manet sa Pilipinas. Ito rin ang kauna-unahang state visit ng isang Pangulo ng Pilipinas sa loob ng siyam (9) na taon.
Bilang panimula ng kanyang pagbisita, makikipagkita si Pangulong Marcos sa mga miyembro ng Komunidad ng mga Pilipino sa Cambodia, na tinatayang nasa 7,500 katao at kinikilalang masigla at matagumpay na diaspora.
Sa kanyang paglalakbay, nakatakdang makipagpulong si Pangulong Marcos kay Senate President Hun Sen (na kumakatawan kay Kanyang Kamahalan), at kay Prime Minister Hun Manet. Ang kanilang pag-uusap ay tututok sa pagpapatibay ng ugnayang people-to-people, pagpapalawak ng kalakalan at ugnayang pang-ekonomiya, at pagtugon sa mga transnational crimes. Hihingi rin siya ng suporta para sa pagiging tagapangulo ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa taong 2026.
Bukod dito, magsasagawa rin ng roundtable discussion ang Pangulo kasama ang mga negosyanteng Pilipino at Cambodian upang isulong ang mga oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan, na lalong magpapatibay sa ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Inaasahan na ang pagbisitang ito ay magbubunga ng mga bagong kasunduan at inisyatiba na magpapalalim sa bilateral na kooperasyon at magdadala ng konkretong benepisyo para sa mga mamamayan ng parehong bansa.

