Eala

PBBM kay Eala: “Ang iyong tagumpay ay tagumpay ng buong bansa”

369 Views

NAGPAABOT ng kanyang taos-pusong pagbati si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Alex Eala matapos nitong magwagi sa kauna-unahan niyang Women’s Tennis Association (WTA) singles title—isang makasaysayang tagumpay para sa isang Pilipino.

Ang 20-anyos na si Eala ay itinanghal na kampeon sa Guadalajara 125 Open sa Mexico noong Linggo, matapos talunin ang Hungarian na si Panna Udvardy sa score na 1-6, 7-5, 6-3.

“Isang makasaysayang araw para sa Pilipinas! Isinulat ni Alex Eala ang kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipino na nagwagi sa isang WTA singles title!,” ayon sa pahayag ni Pangulong Marcos sa social media.

“Congratulations Alex Eala! Ang iyong tagumpay ay tagumpay ng buong bansa. Gagawin natin ang lahat upang mas marami pang atletang Pilipino ang susunod sa yapak na ito at maipakita sa mundo ang galing at puso ng Pilipino,” dagdag pa ng Pangulo.

Bago ang tagumpay na ito, mayroon nang limang International Tennis Federation (ITF) singles titles si Eala at nasungkit din niya ang 2022 US Open girls’ trophy.

Si Eala, na kasalukuyang nasa World No. 75 sa WTA rankings, ay inaasahang aangat pa sa ranggo matapos ang kanyang panalo. PCO