Calendar
Teodoro tinawag na ‘demolition job’ pahayag ng mga Discaya
SINABI ni Kinatawan ng Unang Distrito ng Marikina, Marcy Teodoro, na siya ngayon ay sinisiraan ng mga Discayas matapos niyang ibunyag ang isang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kasama sa 2026 National Expenditure Program (NEP) kahit matagal na itong natapos — malinaw na patunay ng dobleng pondo.
Ayon kay Teodoro, ito ay isang istratehiya ng mga sindikato para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu — ang korapsyon at mga iregularidad sa mga flood control project ng DPWH.
“Walang katotohanan ang mga akusasyon ng mga Discayas. Isa itong demolition job — murang taktika para sirain ako,” ani Teodoro.
Dagdag pa niya, wala pa siya sa Kongreso noong iginawad ang kontrata sa mga Discayas — nangyari ito noong panahon pa ng yumaong Bayani Fernando.
Paliwanag ni Teodoro, bago pa siya manungkulan bilang kongresista noong 2022, na-award na ang proyekto — mga taong 2020 o 2021 pa raw ito itinakda.
“Wala akong kinalaman sa mga proyektong iyon dahil hindi pa ako mambabatas noon. Kaya malinaw na ang mga paratang ay kasinungalingan, malisyoso, at layuning sirain lamang ang aking pangalan at ang tiwala ng mga taga-Marikina sa akin,” ani Teodoro.
Mariin ding itinanggi ni Teodoro na siya ay humingi o tumanggap ng anumang pera, pabor, o benepisyo kapalit ng political na impluwensya o aksyon sa batas.
“Dahil dito, seryoso ko nang pinag-iisipang magsampa ng kaso laban sa mga Discayas dahil sa pagsisinungaling at tangkang dungisan ang aking reputasyon,” aniya. “Balak ko ring magsampa ng kasong perjury dahil sa pagbibigay nila ng maling salaysay sa ilalim ng panunumpa sa isang pagdinig sa Kongreso.”
Giit ni Teodoro, ang kanyang track record bilang lingkod-bayan ay patunay ng kanyang integridad at pagseserbisyo. Hindi raw niya hahayaang sirain ito ng mga kasinungalingan.
“Hinihikayat ko ang publiko na maging mapanuri sa mga maling impormasyon at suriin ang motibo ng mga nagpapakalat nito. Handa akong makipagtulungan sa anumang patas at transparent na imbestigasyon upang mapatunayang wala akong kasalanan. Sa aking mga kababayan, asahan ninyo na ang aking tapat at buong-pusong paglilingkod ay magpapatuloy nang walang humpay,” dagdag ni Teodoro.

