Gatchalian

Gatchalian hiniling sa DBM na salain mga proyekto ng DPWH

270 Views

UMAPELA si Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Budget and Management (DBM) na masusing salain ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), upang hindi na makalusot ang mga “ghost projects” na aniya’y nakahahadlang sa maayos na deliberasyon ng pambansang badyet.

“Pag binigay niyo sa amin basura, lalabas basura rin. We rely on you to make sure that what we receive is credible. Ang DBM ang gatekeeper,” pahayag ni Gatchalian sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee A nitong Martes.

Samantala, inamin ng DPWH sa isang hiwalay na pagdinig na mayroon ngang mga proyektong na-“ghost” at na-subcontract, dahilan upang kuwestiyunin ang bisa ng kanilang oversight system.

Kaya naman, muling iginiit ni Gatchalian ang pangangailangang ayusin ang screening process bago isusumite ang budget proposal sa Senado.

Ipinunto naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na sinimulan na ng DBM ang pagpapatibay ng proseso ng pagsusuri. “We are looking at the program of works, the detailed engineering design, and ensuring na ‘yung mga proposals ay galing talaga sa baba ng LGUs. We will also look at duplicates, lalo na sa flood control projects,” aniya.

Dagdag pa rito, tiniyak ni Pangandaman na maglalabas ng kautusan upang pigilan ang mapanlinlang na proyekto. “We will require an undertaking that the projects being submitted are not ghost projects. A circular is on the way,” dagdag niya.

Gayunpaman, binigyang-diin ng ilang senador na nananatiling problema ang malalabong entries, gaya ng “flood mitigation,” na madaling mailipat at mapaglaruan. “Kung flood mitigation lang ang nakalagay, puwede itong ilipat kung saan-saan,” ayon kay Gatchalian.

Sa kabuuan, umigting ang diskusyon sa Senado hinggil sa pangambang dala ng mga pekeng proyekto, kasabay ng pangako ng DBM na ipatutupad ang mahigpit na reporma upang mapanatili ang kredibilidad ng National Expenditure Program.