Pic

3 kwento ng kabayanihan ng mga pulis pinapurihan

Alfred Dalizon Sep 13, 2025
354 Views

Pic1Pic2

PINAPURIHAN nitong Sabado ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang kanyang mga tauhan na nagpamalas ng pambihirang tapang, malasakit at dedikasyon sa pagliligtas ng buhay sa tatlong magkakahiwalay na insidente ngayong buwan.

Ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya, ang mga naturang pulis ay mga ehemplo ng kapulisan na inutusan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas na lalong panatilihing ligtas at panatag ang bansa.

Nitong Miyerkules, habang nagsasagawa ng rutinang pagbisita sa CT Plus Mall, sina Police Master Sergeant Ronald Aldea Imperial at Chief MSgt. Gozun ay nakatanggap ng 911 call ukol sa isang emergency sa Sitio Alikabok, Orani, Bataan.

Matapos marating ang lugar, natagpuan nila ang isang babaeng bagong panganak na ang sanggol ay nakadugtong pa sa pusod. Gamit ang kanyang kaalaman bilang dating nurse, maingat na pinutol ni PMSg Imperial, kasama ang MDRRMO rescuer, ang pusod, nailabas ang inunan, at naisaayos ang kalagayan ng mag-ina bago sila dinala sa JC Payumo Memorial Hospital sa Dinalupihan.

Kinumpirma ng mga awtoridad na ang ina ay may kondisyon sa kalusugang pangkaisipan, kaya’t higit na kritikal ang kanilang agarang aksyon.

Nito namang nakaraang Lunes, hinarap naman ng mga residente ng Barangay 179 sa Amparo, Caloocan City ang isang nakakatakot na krisis nang isang dating security guard ang ilegal na ikinulong ang dalawang magkapatid at ang kanilang katulong sa loob ng kanilang bahay habang armado ng .38 caliber na revolver.”

Agad na rumesponde ang Caloocan City Police Station kasama ang SWAT team. Sa kanilang mahusay na negosasyon at operasyon, matagumpay na nailigtas ang lahat ng bihag, kabilang ang isang 11-taong gulang na batang may espesyal na pangangailangan.

Dahil sa naturang insidente, nasugatan si PSSgt. Erick Bongat matapos siyang saksakin ng suspek habang nagsasagawa ng operasyon, ngunit buong tapang niyang pinigilan ang sitwasyon. Ang suspek ay kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Samantala, noong Setyembre 6, isinakripisyo ni Patrolman Renzo Genido Advincula ng Parañaque City Police Station ang kanyang kaarawan para maglingkod.

Nang sumiklab ang sunog sa Block 30 Lot 1, P-4 Martizano Street, Central Bicutan, Taguig City, agad na tumulong ang pulis na ‘Birthday Boy’ sa mga bumbero upang apulahin ang apoy.

Sa halip na magdiwang kasama ang pamilya, isinugal niya ang sarili upang iligtas ang buhay at ari-arian ng iba. Tunay na ehemplo ng serbisyong walang pinipiling oras o okasyon—ganito ang diwa ng PNP.

Pinuri ni Lt. Gen. Nartatez ang ipinakitang kabayanihan ng mga pulis sa Bataan, Caloocan, at Taguig.

“Ang tatlong kuwentong ito ay nagpapaalala na tapang at malasakit ang bumabalot sa puso ng bawat pulis. Maging sa pagliligtas ng hostage, pagtulong sa inang bagong panganak at sanggol, o pakikipaglaban sa sunog—pinipili ng ating kapulisan ang paglilingkod bago ang sarili. Ito ang tunay na diwa ng Bagong Pilipinas—isang pulisya na nagpoprotekta, nagliligtas, at naglilingkod sa lahat ng oras, ayon sa PNP chief.