BBM1

PBBM hinihikayat ang mga commuter na sumakay sa ‘eco-friendly’ Love Bus

Jun I Legaspi Sep 13, 2025
380 Views

MAGSISIMULA nang magsakay ng libre ang mga Love Bus na handog ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ika-68 na kaarawan para sa mga komyuter kasunod ng pahayag ng Pangulo noong kaniyang State of the Nation Address (SONA) na ibalik ang patok at iconic na Love Bus noong 1970s.

Sinabi ni Pangulong Marcos na bukod sa maraming komyuter ang makikinabang sa Love Bus na electric buses, malaking tipid ito sa kanilang arawang pasahe, at mas komportable ang biyahe lalo na para sa mga PWD at senior citizens.

“Itong Love Bus na ito malaking tulong ito sa pagbawas ng polusyon, sa paggastos ng krudo. Malaking tulong din ito sa mga PWD at senior citizens. Malapit na ilalabas ‘yung para sa estudyante na 50% discount,” ani Pangulong Marcos sa launch ng Love Bus sa Metro Manila.

Sinabi naman ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na palalawigin pa ng Department of Transportation (DOTr) ang paglulunsad ng Love Bus Libreng Sakay sa iba’t-ibang urban areas sa bansa para mas maraming komyuter ang matulungan ng programa ng Pangulo.

“Gaya nga ng sinabi ni Pangulong Marcos, dapat paginhawain natin ang araw-araw na biyahe ng ating mga komyuter. Palalawigin pa natin itong Love Bus libreng sakay sa iba’t-ibang lugar sa bansa,” ayon kay Acting Secretary Lopez.

Para kay Elizabeth na isang PWD, malaking ginhawa ang dala ng mga Love Bus dahil hindi na niya kailangang makipagsiksikan sa bus o jeep dahil mas komportable na ang biyahe.

“Napakalaking tulong sa amin na may kapansanan kasi ilang beses po nangyari sakin yung nabalewala ako [at] yung hindi ako napasakay, nabalya ako, meron pong dinaanan lang po ako kaya malaking bagay po ito para sa amin,” aniya.

Accessible at ligtas din sa mga PWD ang mga electric buses, na may PWD-friendly features tulad ng access ramp para sa wheelchairs.

Tig-limang electric buses ang bi-biyahe sa mga rutang Valenzuela Gate Complex (VGC) Terminal-DSWD, Batasan Hills Loop at VGC Terminal-Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX). Inaasahang 600 na pasahero kada ruta ang makikinabang sa Love Bus Libreng Sakay.

Para sa NCR Love Bus, libre ang sakay sa lahat ng pasahero sa buong buwan ng Setyembre. Pagdating ng Oktubre, libre pa rin ang sakay sa mga PWD at senior citizen buong araw, basta’t nakarehistro sila sa Love Bus App.

Para sa ibang pasahero sa Oktubre, libre naman ang sakay mula 6-9 a.m. at 5-8 p.m.