Calendar
Ex-DPWH engineers Hernandez, Alcantara kinasuhan ng DOTr sec
NAGHAIN ng kasong use of falsified documents si Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez laban sa dalawang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara at assistant district engineer Brice Hernandez dahil sa paggamit ng pekeng driver’s license para makapasok sa casino.
Kasama si Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Vigor Mendoza, naghain si Acting Secretary Lopez ng kasong paglabag sa Article 172 or the “Use of Falsified Documents” ng Revised Penal Code laban sa dalawang dating opisyal ng DPWH sa Parañaque Prosecutor’s Office.
Ayon kay Secretary Lopez, ang pag-amin nina Alcantara at Hernandez sa paggamit ng pekeng lisensya ay isang matinding krimen.
“Ang DOTr at LTO—hindi natin hahayaan na lapastanganin ng ninuman mapa-opisyal o pribadong indibidwal ang lisensya ng DOTr at LTO. Mananagot po sila sa batas,” ani Acting Secretary Lopez.
Oras na mapatunayang gumamit ang dalawang dating opisyal ng DPWH ng pekeng lisensya, makukulong sila ng anim na taon at magmumulta ng P1 milyon, ayon sa acting transport chief.
Dagdag pa ni Acting Secretary Lopez, hinahanda na ang kaparehong kaso sa ibang miyembro ng tinaguriang BGC Boys na sina Arjay Domasig at Jaypee Mendoza.
Samantala, habambuhay na ring kanselado ang lisensya nina Alcantara at Hernandez dahil din sa paggamit ng pekeng lisensya, ayon sa LTO.
Nagbabala si Acting Secretary Lopez sa mga indibidwal na patuloy na gumagamit at gagamit ng pekeng lisensya na sasampahan din sila ng karampatang kaso oras na sila ay mahuli.
“Ito po ay pagpapa-alala sa taumbayan na hindi ka talaga pwedeng gumamit ng pekeng lisensya. ‘Yan po ay isang krimen. Sana wag nilang gawin ‘yan dahil hahabulin namin sila,” ani Acting Secretary Lopez.

