Calendar
Pagtataas ng Teachers’ Day bonus isinusulong sa Kamara
INIHAIN ni House Assistant Minority Leader at Eastern Samar Rep. Christopher Sheen Gonzales ang panukalang batas na naglalayong itaas ang World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB) ng mga guro sa pampublikong paaralan sa P3,000 mula sa P1,000.
“Teachers are the bedrock of nation-building. By increasing the WTDIB, we are not just providing financial assistance — we are sending a clear message that the country values the dedication and sacrifice of our educators,” ayon kay Gonzales, miyembro ng House committee on basic education and culture.
Ang House Bill 4531 ni Gonzales ay layon ding gawing permanente ang WTDIB na unang ipinagkaloob ng Kongreso sa mga guro sa pampublikong paaralan anim na taon na ang nakararaan sa pamamagitan ng isang simpleng item insertion sa General Appropriations Law of 2019.
Si House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan ang co-author ng panukala.
Batay sa umiiral na mga patakaran ng DepEd, ibinibigay ang WTDIB sa mahigit 950,000 guro sa pampublikong paaralan sa buong bansa tuwing o pagkatapos ng Oktubre 5 kada taon, kasabay ng taunang pagdiriwang ng World Teachers’ Day.
Binigyang-diin ni Gonzales na ang panukalang pagtaas sa insentibo ay hindi lamang makatutulong sa mga guro na makasabay sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin kundi magsisilbi rin itong kongkretong patunay ng suporta sa kanilang propesyonal na dedikasyon.
“When we invest in teachers, we invest in the next generation of Filipinos. Our bill is a step toward creating an environment where educators feel valued, supported, and empowered to give their best,” dagdag pa ni Gonzales.
Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang sa bansa ang National Teachers’ Month mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5.
Ang World Teachers’ Day ay ipinagdiriwang tuwing Oktubre 5 bilang pagdedeklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Itinatampok nito ang mahalagang papel ng mga guro sa paggabay sa mga mag-aaral at paghubog ng kinabukasan ng mga lipunan sa buong mundo.
Sa Pilipinas, idineklara ng Republic Act No. 10743 ang Oktubre 5 bilang National Teachers’ Day upang iayon ang pagdiriwang sa bansa sa pandaigdigang selebrasyon at kilalanin ang napakahalagang kontribusyon ng mga guro sa pambansang kaunlaran.
Binigyang-diin ni Gonzales ang kahalagahan ng panukalang batas sa pagpapataas ng morale ng mga guro at sa pagkilala sa kanilang hindi mapapalitang papel sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.
“This is more than just an incentive. This is an expression of national gratitude. Our teachers work tirelessly, often beyond the classroom, to ensure that every child has a chance to succeed. They deserve a meaningful token of appreciation that reflects their contribution to our collective future,” dagdag pa ni Gonzales.

