Rider

Senado kinondena paggamit sa rider bilang consignee ng smuggled agri goods

322 Views

MARIING kinondena ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang umano’y sistematikong paggamit sa inosenteng mamamayan bilang sangkalan ng mga sindikato ng smuggling—isang gawing aniya’y maliwanag sa kaso ng isang 23-anyos na Food Panda rider na napatungan ng kasong smuggling sa Senado.

Sa pagdinig sa Senado ukol sa agricultural smuggling, lumutang ang pangalan ni Dexter Juala bilang may-ari ng consignee ng 14 na container ng smuggled carrots, sibuyas, at frozen fish na nasabat sa Port of Subic noong Hulyo.

“Sir, wala po akong alam diyan,” sagot ni Juala nang tanungin siya ni Pangilinan ukol sa kontrabando.

Ayon kay Juala, ang kanyang tiyuhin ang kumuha ng kanyang ID, pinapirma siya sa mga dokumento, at ginamit umano ang kanyang pangalan sa Pier.

“Hindi ko po alam. Basta po pinapirma lang ako sa dokumento na binigay sakin pero wala na po akong alam sa mga susunod na nangyari,” ani Juala sa hiwalay na panayam ng staff ng senador.

Ipinunto ni Juala na wala siyang kinalaman sa krimen at nagpasya siyang humarap dahil may anak siyang binubuhay at ayaw niyang mapahamak.

“Natatakot din po ako. Naii-stress din po ako kakaisip dahil may anak din po akong binubuhay. Kaya naman po ako nagpunta dito kasi wala naman po ako talagang kasalanan kaya humarap po ako dito.”

Aniya pa, nangako ang kanyang Tito na tutulungan siya sa kinakaharap na kaso.

“(Sabi ng) Tito ko na tutulungan naman daw po ako sa nangyayari sa akin po ngayon.”

Giit ni Pangilinan, malinaw na ginagamit si Juala upang pagtakpan ang mga tunay na nasa likod ng sindikato.

“Sa totoo lang, hindi naman maglalakas ang loob ng mga ito kung walang nasa likod nila na kumakamada. Kamadang sindikato ito, maliwanag. Kamada ng malaking sindikato ang nangyari dito,” sabi ng senador.

“Biruin mo, Food Panda rider ang may-ari at sinasabing pinasulat lang sa kanya. Anong ginagawa niya dito? Paano nangyari na siya ang may-ari at nalusutan na naman ang Customs?”

Ibinunyag din niya ang umano’y malawakang paggamit ng pekeng o expired na broker licenses, pati na ang pagbabahagi ng lisensyadong credentials sa iba’t ibang kumpanya.

“Di ko to tatantanan hanggang magkaroon ng resulta dahil yun naman ang hinihiling ng ating mga kababayan. Galit na ang taong bayan sa korapsyon, sa panga-abuso sa pwesto, galit na ang taong bayan sa kamadang sindikato,” dagdag ni Pangilinan.