Jinggoy

Bank waiver handang pirmahan ni Jinggoy

222 Views

INIHAYAG ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada sa plenary session nitong Lunes, September 15, 2025, na handa siyang lumagda sa waiver upang alisin ang pagiging kumpidensiyal ng kanyang mga bank account bago ipagpatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa mga proyekto sa flood control.

Ayon kay Estrada, ito ay isang hakbang na inilarawan niyang “unprecedented” upang patunayang wala siyang itinatago at upang hamunin ang kredibilidad ni Brice Hernandez, dating empleyado ng Department of Public Works and Highways na sinibak sa serbisyo, na umano’y nag-ugnay sa kanya sa mga iregularidad. Iginiit ni Estrada na walang basehan ang mga paratang ni Hernandez.
Bryce balik Senado

Samantala, binalik sa Senate detention si Brice Ericson Hernandez, ang kontrobersyal na dating assistant district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nitong Lunes, September 15, matapos dinggin ng Pasay Regional Trial Court ang kanyang Writ of Amparo petition.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, dumating si Hernandez sa Senado bandang 10:10 a.m. at agad sumailalim sa medical examination matapos muling tanggapin sa Senate detention facility.

Nauna nang inilipat si Hernandez mula Senado patungo sa Philippine National Police Custodial Center at kalaunan sa Pasay City Jail, matapos magkaroon ng pagtatalo sa Senado hinggil sa kanyang kustodiya. Sa kanilang liham kay Sotto at Blue Ribbon Committee Chair Panfilo “Ping” Lacson, sinabi ng mga abogado ni Hernandez na sina Ernest Levanza at Raymond Pasco na ang paulit-ulit na paglilipat ay nagdulot ng “troubling shadow” at hiniling nilang manatili siya sa Senado.

Pinagbigyan ni Sotto ang kahilingan at kinilala rin ito ng korte. Sa desisyong ito, tinuldukan ang serye ng paglilipat sa kustodiya at muling ibinalik si Hernandez sa Senado.