Bam

Sen. Bam isinusulong pagpayag sa LGUs, NGOs na magpatayo ng classroom gamit pondo ng gobyerno

295 Views

ISINUSULONG ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act na naglalayong bigyang awtoridad ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) at non-government organizations (NGOs) na may kakayahan na magpatayo ng mga classroom sa kanilang nasasakupan, alinsunod sa pambansang pamantayan at gamit ang pondong mula sa pambansang pamahalaan.

Ayon kay Aquino, layunin ng panukala na mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan sa gitna ng iniulat na kakulangan na 166,000 classroom sa mga pampublikong paaralan.

“If we finish it by December, then the classroom acceleration program can be added as an item in the GAA (General Appropriations Act) for 2026,” ani Aquino. “If we don’t, we will put in a special provision, which basically is the program. Put it into the GAA so we can undergo the program,” dagdag pa niya.

Tiniyak din ni Aquino na magkakaroon ng sapat na manpower ang Department of Education (DepEd) upang mabantayan at masuri ang mga proyektong isasagawa ng LGUs at NGOs.

Sa isinagawang budget hearing ng DepEd, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na kailangan na ang ganitong panukala. “We really look forward to the passage of that bill. It’s a breath of fresh air because seeing how over the last decade the classroom deficit has increased year on year,” aniya.

Si Aquino, na chairman ng Senate Committee on Basic Education at vice chairman ng Committee on Finance, ay nagsabing isusumite na sa mga susunod na linggo ang committee report ng Senate Bill No. 121 sa plenaryo. Umaasa siyang maipapasa ang CAP Act bago matapos ang taon.