Valeriano

Pagtatalaga ni PBBM kay Justice Reyes sa ICI pinapurihan ni Valeriano

Mar Rodriguez Sep 16, 2025
329 Views

PINAPURIHAN ng Chairman ng House Committee on Public Order and Safety na si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano ang naging desisyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na italaga si dating Supreme Court (SC) Justice Andres Reyes, Jr. bilang lead Chairperson ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Kasabay nito, ikinagalak din ni Valeriano ang gagawing distribusyon at paglilihis ng dating flood control funds sa mga mas importanteng serbisyo na higit na makakatugon sa mga pangunahing pangangailangan ng taongbayan sa halip na mapunta lamang aniya sa bulsa ng mga tiwaling tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“The President’s statements today boost confidence in the wisdom of creating the Independent Commission and can ultimately result in improved public safety from floods and disaster,” sabi ni Valeriano.

Tiniyak din ng beteranong kongresista na sisikapin naman ng lahat ng miyembro ng Kamara de Representantes na tapatan ang trabaho ng ICI sa pamamagitan ng pagtugon sa mga babalangkasing pagbabago sa procurement laws, civil service laws at criminal law upang hindi na maulit ang mga katiwalian sa flood control projects.