Calendar
Vargas umaapela sa Kamara para agad na maisabatas ang HB No. 4543
KASABAY ng selebrasyon ng National Suicide Prevention Awareness ngayon buwan. Hinihiling naman ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas sa liderato ng Kamara de Representantes ang agarang pagsasabatas ng House Bill No. 4543 na naglalayong magtatag ng mental health centers sa bawat Siyudad at Munisipalidad sa buong bansa.
Sinabi ni Vargas na ang usapin ng mental health ay itinuturing bilang “invisible epidemic” na kinakailangang harapin at hanapan ng solusyon kung saan ang kawalan ng mga experto sa mental health at permanenteng pasilidad para dito sa iba’t-ibang lugar sa bansa ay nagsisilbing problema para milyon-milyong Pilipino.
Dahil dito, sinabi ng kongresista na layunin ng House Bill No. 4543 na tuluyang ma-establisa ang operasyon ng Mental Health Centers sa lahat ng Local Government Units (LGUs) na magbibigay ng counselling, psychiatric treatment, crisis intervention, community based programs at kasama na ang awareness campaign.
Pagbibigay diin ng House Deputy Majority Leader na hindi maaaring pagtagalin ang suicide prevention sapagkat ang bawat araw na pagka-antala ay maaaring magresulta sa pagkawala ng buhay gayong pupuwede naman masolusyunan ang nasabing problema.
Ipinaliwanag pa ni Vargas na hindi lamang makakapag-ligtas ng buhay ang kaniyang inihaing panukalang batas kundi makakapagbigay din ng pag-asa para sa mga taong dumaranas ng mental health problem.
“Suicide prevention cannot wait. Every day of delay means more lives lost to a crisis we can treat and prevent. With this bill, we are not just building facilities. We are creating lifeline of hope, dignity and recovery for our people. The time to act is now,” ayon kay Vargas.

