Calendar
Lalaking gumulpi, nangmanyak sa babaeng estudyante sa ibabaw ng footbridge arestado sa Valenzuela
TIMBOG ang 40-anyos na kelot na nahagip sa kuha ng CCTV habang ginugulpi at minomolestiya ang 20-anyos na babaeng estudyante sa ibabaw ng isang footbridge sa Valenzuela City.
Nag-viral ang video sa nangyaring insidente na nakatawag pansin kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, kaya’t kaagad niyang inatasan si P/Col. Josepth Talento na tugisin ang suspek na nakitang nanapak, gumulpi at nanghipo sa maselang parte ng katawan ng dalaga habang nakahandusay sa footbridge.
Naganap ang insidente alas-9 ng gabi noong Miyerkules, Setyembre 17, sa ibabaw ng M. Delos Reyes Footbridge sa Barangay Gen. T. De Leon, habang naglalakad ng pauwi ang biktima.
Sinalubong ng suspek ang dalaga at bigla na lamang sinapak ng walang dahilan na siyang ikinatumba ng biktima. Nagtangka pang tumakbo ang dalaga subalit hinabol at itinulak siya na dahilan para mahandusay.
Dito na ginawan ng kahalayan ng suspek ang dalaga habang nakakubabaw subalit nanlaban ang biktima kaya’t pinagsasapak siyang muli ng suspek sa ulo bago mabilis na tumakas.
Naaresto ang suspek na nakilalang si alyas “Ian” Huwebes ng gabi at positibo siyang kinilala ng biktima nang iharap ng mga pulis kay Gatchalian noong Biyernes ng hapon.

