Dy

Speaker Bojie Dy tiniyak na hindi magkakaroon ng hokus-pokus sa pagpasa ng 2026 national budget

Mar Rodriguez Sep 23, 2025
328 Views

HINDI magkakaroon ng “hokus-pokus” sa gagawing pagtalakay at pagpasa ng Kamara de Representantes sa 2026 proposed national budget upang maiwasan ang mga agam-agam at pagdududa ng mamamayang Pilipino.

Ito ang binigyang linaw at pagtitiyak ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na magiging transparent at bukas sa publiko ang nakatakdang Plenary deliberations ng 2026 proposed national budget.

Sinabi ni Speaker Dy III na sinisikap ng liderato ng Kamara de Representantes na maging transparent ang naturang proseso upang mapawi na ang anomang pagdududa ng publiko sa gagawing pagpasa sa national budget.

Ang pahayag ng House Speaker ay matapos simulan ng House Committee on Appropriations ang pagrerepaso sa panukalang P6.79 trilyong pambansang pondo para sa susunod na taon.

“Sa katunayan, mayroon na tayong ginawang amendments and revisions sa subcommittee kung saan maraming mambabatas ang tumatalakay at bumubusisi sa 2026 proposed national budget.

Sinisikap ng House leadership na maging transparent ang aming deliberasyon aa national budget,” sabi ni Speaker Dy III.

Ikinagagalak naman ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang naging pahayag ni Dy III dahil nais lamang nitong ipakita sa taongbayan na walang itinatago ang Kamara de Representantes sa mabusising pagtalakay sa 2026 national budget.