Pondo

Kiko, Win: Sapat na pondo, mabilis na hudikatura panlaban sa korapsyon

242 Views

NANANAWAGAN sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Sherwin Gatchalian ng hudikatura na mabilis, epektibo, at may sapat na pondo, iginiit na ang pagsasama ng reporma at pondo ay mahalaga upang masugpo ang korapsyon at maibalik ang tiwala ng publiko.

Sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang ₱64.013 bilyong pondo ng hudikatura para sa 2026, binigyang-diin ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na maiiwasan sana ang malalaking kaso ng katiwalian kung mas mabilis nakapaghahatol at nakakapagparusa ang sistema. “Will we be able to punish the corrupt? Is the justice system capable of rendering justice and accountability?” tanong niya.

Binanggit niya ang 47 porsyentong conviction rate ng Sandiganbayan, na nangangahulugang halos kalahati ng mga kaso ay nadidismiss. Ikinumpara niya ang atensyon sa Blue Ribbon probe sa tinukoy niyang “strategic solution” na nasa reporma ng hudikatura. “Forgive me because I just came from there (Blue Ribbon hearing), sabi nga ni Senator Gatchalian mas exciting doon kaysa sa dito, pero sa totoo lang nandito ang solusyon – ang strategic solution sa mga excitement doon ay nandito sa Judiciary (hearing),” wika niya.

Nanawagan siya ng modernisasyon at inalala ang sinabi ni dating Chief Justice Reynato Puno: “You want first-world justice but you provide third-world budgets.” Siya ang magsusulong ng pondo ng hudikatura.

Habang binigyang-diin ni Pangilinan ang pangangailangan ng reporma at modernisasyon, nakatuon si Gatchalian sa pagbibigay ng sapat na pondo at sistema para maisakatuparan ito. Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak niyang susuportahan ang mga hakbang upang masigurong may kagamitan at pondo ang mga korte. “The Committee on Finance wants to ensure that the courts are equipped with the budget and tools needed to resolve cases quickly and render justice,” aniya.

Dagdag pa niya: “Our job is to make sure that the budget is spent on items that will make the judiciary more efficient. That’s the only way to restore our people’s trust and confidence in the government.” Hinimok din niya ang hudikatura na gumawa ng roadmap upang ma-manage ang caseload, na kasalukuyang nasa 291 kaso kada hukom.

Kapwa nila iginiit na ang pagsasanib ng reporma at sapat na pondo ay susi para mapatatag ang rule of law at mapanagot ang mga tiwaling opisyal.