Calendar
Nagsulsol, nagbayad sa mga menor-de-edad dapat papanagutin at kasuhan – -Valeriano
KUNG ang Chairman ng House Committee on Public Order and Safety na si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano ang tatanungin, dapat imbestigahan at papanagutin ang mga taong nagsulsol at nagbayad sa mga menor-de-edad upang maghasik ng karahasan at naganap na kaguluhan noong September 21 anti-corruption rally sa Mendiola at Claro M. Recto.
Pagbibigay diin ni Valeriano na maaaring kinasangkapan lamang umano ng mga kilala at maimpluwensiyang tao ang mga kabataan na tinaguriang “Tropang Itim” para sadyain ang paghahasik ng kaguluhan, pananakit sa mga pulis at paninira ng mga lamppost, stop lights at iba pa para lamang perwisyuhin ang gobyerno.
Ipinaliwanag ni Valeriano na hindi na matatawag na simpleng pagpapahayag ng kanilang damdamin ang isinagawang kilos protesta ng mga kabataan kaugnay sa katiwalian sapagkat ang kanilang pagkilos ay nauwi na sa karahasan hanggang sa walang habas na silang nambato ng mga molotov bomb, nagsunod ng gulong at nanakit ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) sabi pa ng kongresista ay naniniwalang hindi isang lehitimong protesta ang nangyari sa Mendiola at Claro M. Recto kundi isang bayad at organisadong pag-atake.
Ayon kay Valeriano, mismong ang DILG ang nagsabi na isang grupo ang nag-organisa ng kaguluhan sa Mendiola na kinasangkutan ng mga menor-de-edad na binayaran umano para lumahok at maghasik ng kaguluhan na may layuning pabagsakin ang gobyerno.
Naniniwala ang mambabatas na talagang pinagplanuhan at inorganisa ang marahas na kilos protesta ng mga menor-de-edad dahil kung pagbabatayan ang pahayag ng DILG. Ang mga lumahok na kabataan ay binayaran ng tig-P3,000 bawat isa.
May ebidensiya naman ang DILG sa kanilang naging pahayag matapos na sabihin ni DILG Secretary Jonvic Remulla na: “Mukhang lumalabas na organized group. Ang bayad nila sa mga bata ay P3,000 each. May mga videos pa kami na pinapakita nila ang mga pera nila at ipinagyayabang nila sa social media”.

