JV

JV nananawagan ng agarang imbestigasyon, reporma sa gitna ng ‘baha’ scam

244 Views

SA gitna ng pagdinig ukol sa umano’y malawakang korapsyon sa mga proyekto ng flood control sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nadawit ang pangalan ni Senador Jinggoy Estrada—isang bagay na labis na ikinabahala ng kanyang kapatid na si Senador JV Ejercito.

“So praying for him sana maging matatag siya as long as wala kang tinatago. Ilabas lahat ng defense kung talaga walang kinalaman. Personally masakit din yun pero it’s the whole institution, both Senate and House, nalulungkot din ako, galing din ako sa House. It’s the whole government that is on trial right now,” pahayag ni Ejercito. Iginiit niyang mahalagang maibalik ang tiwala at pananalig ng taumbayan sa institusyon ng ating bansa.

Sa pagpapatuloy, binigyang-diin ng senador na hindi dapat lahat ng opisyal ng pamahalaan ay ituturing na tiwali.

“Hindi naman lahat ng government official walanghiya, hindi naman lahat kurakot, hindi naman lahat ng officials elected or not, mga DPWH, hindi naman lahat eh. So sana para maibalik na yung tiwala ng taumbayan sa gobyerno, integridad kailangan ibalik natin, kailangan talagang may managot din sa mga nangyaring ito,” aniya.

Ipinunto rin ni Ejercito na kailangan ng pananagutan upang muling buuin ang kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan. Sa ganitong paraan, makararating umano ang imbestigasyon sa ugat ng problema.

Kaugnay nito, iminungkahi niyang isang independiyenteng katawan ang humawak sa imbestigasyon upang maiwasan ang pagdududa na ang mga mambabatas ay sila-sila rin ang nag-iimbestiga sa sarili nilang hanay.

“Let ICI do their job… let an independent body like the ICI continue with the investigations,” panawagan niya. Dagdag pa niya, parehong ang Senado at Mababang Kapulungan ay isinasailalim sa masusing pagsusuri, kaya’t makatuwiran na ang isang panlabas na ahensya ang humawak ng kaso.

“Ayaw natin isipin ng mga tao na may pinagtatakpan tayo dito o kung ano pa man. Tama lamang na ang ICI ang magbigay ng kanilang rekomendasyon base sa kanilang imbestigasyon. Para maalis ang pagdududa ng taumbayan,” dagdag pa niya.

Samantala, kaugnay ng mga panawagang ibalik ang mga pondo, inilahad ni Ejercito na katanggap-tanggap ito kung ginawa sa magandang layunin para sa kapakanan ng publiko—ngunit binigyang-linaw niyang dapat pa ring igalang ang proseso ng batas.

“We cannot judge everyone until talagang magkaroon ito ng final findings. Everyone is innocent until proven guilty talaga,” aniya. Sa kabila nito, sinabi niyang dapat ay maging sensitibo rin ang mga opisyal sa galit ng taumbayan dahil sa umano’y malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Dagdag pa rito, isinalaysay ni Ejercito na kinausap niya mismo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa birthday celebration nito upang igiit na kailangang “kumilos na mabilis” ang administrasyon sa usaping ito.

“Kailangan natin kumilos na mabilis,” diin niya. Ayon sa kanya, ito ay mahalaga upang muling makuha ang tiwala ng mamamayang Pilipino.

Panghuli, inihayag ng senador mula San Juan na umaasa siyang agad na mareresolba ang isyu upang mapawi ang galit ng publiko—isang damdaming malinaw na naipakita sa mga protesta noong Setyembre 21.