Bridge Nasirang bahagi ng revetment wall ng Tullahan River sa Quezon City. PNA photo ni Joan Bondoc

PBBM: Proyekto kontra baha dapat masunod lahat ng requirements bago matuloy

347 Views

TANGING mga proyekto sa flood control na nakasunod sa lahat ng kinakailangang rekisito lamang ang pahihintulutang ipatupad, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado, bilang bahagi ng kanyang pagtutok sa pagpigil sa mga iregularidad sa implementasyon ng mga proyektong imprastruktura.

Sa pamamahagi ng ayuda sa Gonzaga, Cagayan, sinabi ni Pangulong Marcos na ang mga proyekto sa flood control ay ipatutupad lamang kung maayos ang proposal at program of work, at may clearance mula sa mga local government unit (LGU).

Tiniyak ni Marcos sa publiko na magpapatuloy ang implementasyon ng mga flood control project na sumusunod sa mga rekisito, at binanggit na mahigit P300 bilyon ang nakalaan para pondohan ang mga ito hanggang sa susunod na taon.

“So, hindi pa nauubos ‘yun. So, tuluy-tuloy pa rin ang magiging flood control projects hanggang sa susunod na taon,” aniya.

“At meron naman tayong i-approve na flood control project basta’t nakita natin eh maayos ― maayos ang proposal, maayos ang program of work, maayos ang completion, may acceptance ng local government. That’s the new factor that we put in,” dagdag pa ng Pangulo.

Binatikos din ni Pangulong Marcos ang pag-aalis ng rekisito para sa pormal na pagtanggap ng LGUs sa mga proyektong pambansa, isang proseso na aniya ay mahalaga upang matiyak ang transparency at accountability.

Naibalik na ni Marcos ang polisiya na kinakailangan ang pormal na pagtanggap ng LGUs bago ideklarang tapos ang isang proyekto.

Ang pagdami ng substandard at nonexistent flood control projects ay bunsod ng pag-alis sa partisipasyon ng LGUs aniya.

“Ang problema, tinanggal ‘yun noong nakaraang ilang taon. I don’t know what year they removed that. Pero nagulat ako kasi napaka-importante iyan na meron kang clearance sa barangay chairman, may clearance ka sa mayor, may clearance ka sa probinsiya. Dahil ‘yun ang paraan namin sa local government para tiyakin na ‘yung mga project ay maganda ang pagkagawa at tama at hindi naman nagmahal ng masyado,” paliwanag ng Pangulo.

“Mula ngayon ay ibabalik natin ang proseso ng pag-accept ng local government executives,” dagdag pa ni Marcos.

Ipinahayag din ng Pangulo na inatasan niya ang realignment ng P255.5 bilyon na orihinal na nakalaan para sa mga flood control project sa 2026, upang pondohan ang mga prayoridad na programa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“Kung hindi po namin ginawa iyan, iyang P255.5 billion na iyan, kung saan-saan na napupunta,” ayon kay Pangulong Marcos. Philippine News Agency