MMDA

Disaster relief team ng MMDA tutulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Masbate

Edd Reyes Sep 27, 2025
491 Views

NAG-DEPLOY ng tatlong Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) team ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa lalawigan ng Masbate araw ng Sabado, upang tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Opong.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan na magpadala ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Ayon kay Atty. Don Artes, chairman ng MMDA, kinabibilangan ng 35 tauhan ng Public Safety Division, Metro Parkways Clearing Group at Road Emergency Group ang kanilang ipinadala upang matiyak na mapagkalooban ng kaukulang tulong ang mga apektadong komunidad sa lalawigan.

“Acting on the directive of President Marcos Jr., the HADR team is committed to providing necessary aid and to help the affected communities recover and rebuild,” pahayag ni Artes.

Hahatiin sa tatlong grupo ang ipinadalang team kung saan ang isa ay magbibigay ng malinis na tubig sa mga apektadong pamilya gamit ang water purification system.

Ang isang team naman ang maglilinis sa mga lansangan, habang ang ikatlong team ang magkakaloob ng medical assistance.

Dala ng grupo ang 40 water purifiers na may karagdagang filters, solar power, generator set, 300 modular evacuation tents, iba’t ibang gamit na panlinis tulad ng chainsaw at iba pa.

Nagpadala rin ang MMDA ng dalawang military trucks at isang ambulansiya na kukumpleto sa pagbibigay ng kaukulang tulong.