Acidre CONSULTATIVE MEETINGS – Pinangunahan ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang serye ng konsultatibong pagpupulong kasama ang mga pinuno ng state universities and colleges (SUCs) bilang paghahanda sa deliberasyon ng budget para sa 2026. Photo: TINGOG Party-list

Kamara suportado pag-sustain sa RA 10931

289 Views
Acidre1
DAYALOGO – Sa pamamagitan ng mga dayalogo sa SUCs, isinulong ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, chairperson ng House committee on higher and technical education, ang kanilang apela sa mga lider ng Kamara, upang matiyak na ang P12.31 bilyong kakulangan sa pondo ng Free Higher Education Program sa ilalim ng RA 10931 ay maisama sa pambansang agenda at matugunan sa FY 2026 General Appropriations Bill.
Photo: TINGOG Party-list

IKINATUWA ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, chairperson ng House committee on higher and technical education, ang pangako ng Kongreso na ganap na tugunan ang P12.31 bilyong kakulangan sa pondo ng Free Higher Education Program sa ilalim ng Republic Act (RA) 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Itinampok ang isyung ito sa serye ng konsultatibong pagpupulong kasama ang mga state universities and colleges (SUCs) bilang paghahanda sa deliberasyon ng badyet.

Ipinaliwanag ng mga opisyal ng SUCs na ang kakulangan ay nagmula sa patuloy na paggamit ng enrollment figures mula sa nakaraang taon bilang batayan sa pagkuwenta ng alokasyon, sa halip na projected enrollment gaya ng itinatadhana ng batas.

Dahil dito, nagkaroon ng tuloy-tuloy na kakulangan sa pondo, na pumilit sa maraming institusyon na ipagpaliban ang mahahalagang programa o gumawa ng mahihirap na pagsasaayos sa badyet.

Bilang tugon, isinulong ni Acidre ang kanilang apela sa mga lider ng Kamara de Representantes ― kina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, House Majority Floor Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III at Appropriations Chair Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing ― upang matiyak na maisama ang usapin sa pambansang agenda.

Sa sponsorship ng Fiscal Year 2026 General Appropriations Bill o House Bill No. 4058 noong Setyembre 25, kinumpirma ng House committee on appropriations na sasagutin ang buong P12.3 bilyong kakulangan: P7.82 bilyon mula sa Higher Education Development Fund ng Commission on Higher Education (CHED) at P4.49 bilyon sa pamamagitan ng General Appropriations Act.

Nangako rin ang Kongreso ng karagdagang P9 bilyon para sa Tertiary Education Subsidy at iba pang programang tulong para sa mga estudyante.

Malugod na tinanggap ni Acidre ang mga pangakong ito bilang malaking hakbang sa pagsulong ng edukasyon, ngunit binigyang-diin ang pangangailangan ng repormang pangmatagalan upang matiyak ang sustainability.

“I commend the leadership of Congress and CHED for ensuring that the P12.3 billion deficit will now be fully funded. This is a victory for our SUCs and our students. But beyond immediate relief, we must fix the root of the problem. SUCs should not be penalized for growing enrollment when the law itself anticipated such growth and provided a lawful framework for appropriations,” pahayag ni Acidre.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pagbabago sa polisiya, kabilang ang mahigpit na pagsunod sa projected enrollment bilang legal na batayan sa pagkuwenta ng badyet, at ang paglikha ng mekanismo para sa midyear adjustment kung sakaling lumampas ang aktwal na enrollment sa inaasahan.

“If we act now, we can guarantee that Free Higher Education under RA 10931 will remain reliable, predictable, and sustainable for the millions of Filipino students who depend on it,” dagdag pa ni Acidre.

Sa pagtatapos, nagbigay siya ng mensahe ng paninindigan: “Sa RA 10931, malinaw ang ating pangako: libre ang kolehiyo para sa lahat ng Pilipino. At bilang mga lingkod-bayan na patuloy na nakikinig at nagsisilbi, titiyakin natin na ang pangakong ito ay hindi lamang natutupad, kundi pinagtitibay para sa kinabukasan ng bawat pamilyang Pilipino.”