COA

Kiko: Pag may komisyon, no audit; no commission may audit sa COA?

297 Views

UMAPELA si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Commission on Audit (COA) na imbestigahan ang mga alegasyong nag-uugnay sa isa nitong komisyoner sa umano’y flood control kickback scheme.

Batay sa pahayag ni dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, ang nasabing commissioner Mario Lipana ay umano’y tumanggap ng kickbacks mula 2023 hanggang 2025. Dagdag pa niya, ang asawa nito ay government contractor na nabigyan ng ilang proyekto. Ayon kay Alcantara, tatlong beses umano siyang tinawagan at dinalaw ni ng commissioner upang humingi ng listahan ng mga proyekto.

“Komisyon o audit? Ganun ba yun? Kapag hindi ka nagbigay ng komisyon ay i-audit ka, kapag may komisyon ay wala nang audit. Yun ang conflict of interest. Lalo na misis niya ang contractor,” pahayag ni Pangilinan sa panayam sa radyo noong Setyembre 25.

Bilang chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, binigyang-diin niya na kung mapapatunayang sangkot ang nasabing contractor sa substandard o ghost projects, malinaw na hindi ito dumaan sa tamang auditing at maaari itong maging impeachable offense para sa komisyoner. “These are valid questions na kinakailangang magpaliwanag si Commissioner,” aniya.

Nanawagan si Pangilinan sa COA na busisiin ang lahat ng distritong may kontrobersyal na flood control projects, kabilang ang Mindoro, Tarlac, Pampanga, at iba pang nabanggit sa exposé. Gayunman, pinaalala niya na dapat timbangin nang maingat ang mga ebidensiya. “Kasi may mga ebidensya rin na gawa gawa kaya kailangan busisiin ng husto. May mga ebidensya na half truth at hindi whole truth. We have to weigh his testimony carefully,” dagdag niya.

Giit pa ng senador, walang dapat itagong impormasyon at dapat manaig ang katotohanan. Binalaan niya na kung magpapatuloy ang kawalan ng parusa sa mga kasong plunder gaya ng Janet

Napoles pork barrel scam, posibleng lumala ang kawalan ng tiwala ng publiko. “Tulad ng sinasabi rin ng ating mga kababayan eh wala naman nakukulong, wala naman napaparusahan… ‘Rebolusyon na ang magiging resulta’… kapag nakita nila ‘di nagreresponde ang justice system,” sabi niya.

Hanggang sa ngayon ay wala pang pahayag na opisyal si Commissioner Lipana hinggil sa diumanoy mga alegasyon.