Calendar
Asistio pinag-iingat ang publiko sa paggamit ng ilang vape products
PINAG-IINGAT ni Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang mga gumagamit ng vape products matapos ihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ito ay naglalaman ng mapanganib na kemikal na natatagpuan din sa sigarilyong “Tuklaw”.
Ayon kay Asistio, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, kinumpirma rin ng ilang eksperto mula sa ating bansa at sa Singapore na mayroong mapanganib na synthetic cannabinoid sa sigarilyong Tuklaw na matatagpuan din sa ilang vape products.
Sinabi ng kongresista na nakatala na rin umano ito sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) kasama na ang Dangerous Drugs Board (DDB) bilang ipinagbabawal na substance.
Ipinaliwanag ni Asistio na ang kaniyang paalala ay pagmamalasakit nito para sa mga gumagamit ng vape upang mag-ingat na hangga’t maaari ay itigil na nila ang kanilang bisyo para sila ay makaiwas sa anomang karamdaman na idudulot ng paninigarilyo ng vape.
Samantala, nakiisa naman si Asistio sa ginanap na Organizational Meeting ng Committee on National Defense na pinamumunuan ni Caloocan City 1st District Representative Oscar “Oca” Malapitan.
Sabi ni Asistio na patuloy ang kaniyang pakikipag-tulungan upang mapalakas ang seguridad ng bansa at mapanatili ang kapayapaan para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino.

