Center

Centers for the Elderly sa lahat ng lungsod, munisipalidad isinusulong

282 Views

ITINUTULAK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukalang batas na magtatakda ng pagtatayo ng Centers for the Elderly sa lahat ng lungsod at munisipalidad, dahil sa tumitinding pangangailangan ng mas malawak na pasilidad para sa mga nakatatanda habang papalapit na ang bansa sa pagiging aging society pagsapit ng 2030.

Sa ilalim ng kanyang Senate Bill No. 107 o “Center for the Elderly in All Cities and Municipalities Act,” tinalakay ang panukala sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development noong September 29. Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), apat lamang ang residential care facilities na kanilang pinatatakbo—sa National Capital Region, CALABARZON, Region IX, at Region XI—na nagbibigay ng 24-oras na pangangalaga sa mga inabandona, pinabayaan, walang tirahan, at nasa mahirap na kalagayan na mga senior na may edad 60 pataas.

Dahil sa kakulangan na ito, layon ng panukala ni Cayetano na magtatag ng healthcare, wellness, libangan, at social protection services para sa mga senior sa bawat lokalidad. “More than the Constitutional duty of every family to care for its elders, the responsibility is deeply rooted into the very being of every Filipino. Our history shows that ancient Filipinos held the elderly in high regard,” nakasaad sa kanyang panukala.

“Malaki ang role ng senior citizens na hubugin ang ating bukas. Sana po ’wag maliitin at ipagkait ang kanilang role as seniors na gumabay, magbigay pangaral, yakapin, at disiplinahin ang ating kabataan,” aniya, na binigyang-diin ang kanilang mahalagang ambag sa kinabukasan ng kabataan.

Binigyang-diin ni Cayetano na mayroong 9.5 milyong senior citizens sa bansa ngayon—at inaasahang tataas pa—kaya patuloy na lalaki ang pangangailangan para sa long-term facilities. Ipinunto rin niya ang Taguig Center for the Elderly na binuksan noong 2019 bilang huwaran na dapat sundan sa buong bansa. “Ito pong Taguig Center for the Elderly, mayroon po iyang water pool therapy para sa mga na-stroke, sauna, activity area para sa mga gustong ballroom, tapos inaayos pa nating magkaroon ng dialysis center,” paliwanag niya.

Dagdag ni Cayetano, kaakibat ng panukalang ito ang mga umiiral na batas gaya ng Expanded Senior Citizens Act upang palawakin pa ang mga serbisyo sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.

Sinabi naman ni Committee Chair Senator Erwin Tulfo na magpapatuloy ang komite sa pagtalakay sa panukalang ito at sa iba pang kahalintulad na bills, kabilang ang anti-discrimination proposal sa pagbibigay ng social protection programs, habang hinihintay ang position papers mula sa mga ahensiya. Si Tulfo ang kasalukuyang chair ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.