Motorsiklo sinalpok ng pagewang-gewang na jeep; rider patay, asawang kaangkas malubha

Edd Reyes Sep 30, 2025
259 Views

PATAY ang 32-anyos na rider habang malubhang nasugatan ang kanyang kaangkas na asawa nang salpukin ng kasalubong na pampasaherong jeep sa Caloocan City.

Naisugod pa ng mga nagrespondeng Barangay Rescue Team ang rider at ang 29-anyos niyang maybahay, subalit binawian din ng buhay ang lalaki sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Isasailalim naman sa ikalawang operasyon ang ginang araw ng Martes matapos ang matagumpay na operasyon sa paa, makaraang makita ang bali sa balakang at kaliwang braso.

Kasalukuyang nagsasagawa ng malawakang pagtugis ang pulisya laban sa tumakas na driver ng pampasaherong jeep, makaraan ang malagim na aksidenteng naganap sa kahabaan ng Capt. F.S, Samano Road, Brgy. 175, Camarin.

Batay sa kuha ng CCTV, nakita ang pagewang-gewang na takbo ng pampasaherong jeep hanggang mag-counterflow at salpukin ang kasalubong na motorsiklong minamaneho ng rider na maghahatid lang sana sa kanyang asawa sa trabaho.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang mag-asawa at nawasak nang husto ang kanilang motorsiklo, habang nasadsad sa gilid ng kalsada ang pampasaherong jeep bago tumakas ang driver nito.

Ayon sa pulisya, kilala na nila ang driver ng jeepney, habang nagpadala na rin ng kaunting tulong sa mga biktima ang operator nito.

Bukod sa ginang, naulila ng pumanaw na mister ang dalawa nilang anak na babae na may edad na 13 at apat na taong gulang.