Dy

Speaker Bojie Dy nagpa-abot ng pakikiramay sa mga biktima ng lindol

516 Views

IPINAHAYAG ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang taus-pusong pakikiramay ng Kamara sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at sa lahat ng komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Cebu at mga karatig-probinsiya.

“Ipinapaabot ng Kongreso ng Pilipinas ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at sa lahat ng naapektuhan ng lindol sa Cebu at mga karatig-probinsiya,” ani Dy.

Binigyang-diin ng Speaker na nakipag-ugnayan na ang Kongreso sa mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan upang matiyak na makarating agad ang tulong at ayuda sa mga lugar na pinakamalubhang tinamaan.

“Kasalukuyan tayong nagsasagawa ng koordinasyon sa mga ahensya at lokal na pamahalaan upang matiyak na maiparating ang kinakailangang tulong, partikular ang agarang serbisyong medikal at mga pangunahing pangangailangan, sa mga lugar na pinakatinamaan ng lindol,” aniya.

Dagdag pa ni Dy, nakipag-ugnayan na rin ang mga miyembro ng Kamara mula sa mga apektadong distrito upang tumulong sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.

“Nakipag-ugnayan na rin tayo sa mga kinatawan ng mga apektadong distrito upang suportahan ang kanilang pagsisikap na maihatid ang tulong sa kanilang nasasakupan,” giit niya.

Tiniyak din ng Speaker na handa ang Kongreso na isulong ang mga panukalang tutugon hindi lamang sa agarang pangangailangan ng mga pamilyang apektado ng lindol kundi pati na rin sa pagpapalakas ng kahandaan ng bansa sa mga sakuna.

“Ang inyong Kongreso ay nakahandang maging katuwang sa pagbalangkas ng mga kinakailangang programa upang matulungan ang mga nasalanta at higit pang mapatatag ang kahandaan ng bansa laban sa mga darating pang sakuna,” ayon kay Dy.

Binigyang-diin niya na hindi nag-iisa ang mga mamamayan ng Cebu at mga karatig-probinsiya sa kanilang pinagdaraanan.

“Hindi nag-iisa ang ating mga kababayan sa gitna ng trahedyang ito. Kaisa at karamay ninyo ang buong sambayanan at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas sa pagbangon,” wika ng Speaker.