Calendar
Lacson itinangging may tinanggap na campaign funds mula mga Discaya
MARIING itinanggi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang mga alegasyon na may kaugnayan siya sa kontrobersyal na mag-asawang Discaya, kasabay ng pagsasabing wala siyang itinatagong anuman kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control.
“I did not know the Discayas and that was the first and only time outside of the Blue Ribbon committee hearings that I met them,” aniya, sabay iginiit na maninindigan siya sa katotohanan kahit ano pa ang ibato laban sa kanya.
Sa pinakahuling balita, lumaganap ang isang lumang larawan na kuha umano noong panahon ng kampanya, kung saan kasama ni Lacson sina Cezarah at Pacifico Discaya II. Ayon sa senador, layunin ng pagpapakalat sa larawan na sirain ang kanyang kredibilidad bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa mga anomalya sa mga proyekto ng flood control.
“The fact that it is being circulated only means that it intended to besmirch my reputation and credibility in chairing the Blue Ribbon Committee on the flood control project anomalies,” pahayag pa niya kung saan ay ipinagkibit balikat nito ang mga insinuasyon na may kaugnayan din siya sa mga Discaya gaya ng iba pang diumanong pulitiko na idinidikit sa mga ito.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang naturang larawan ay kuha sa panahon ng kampanya noong 2025, matapos siyang dalhin ng isang taga-suporta mula Davao City na si Fred Villaroman sa kanyang opisina sa Taguig City. Sa pagkakataong iyon, kasama ni Villaroman ang mag-asawang Discaya.
Tinukoy ni Lacson na si Villaroman ay anak ng yumaong P/Brig. Gen. Francisco Villaroman na minsang nagsilbi sa ilalim niya sa Philippine National Police at naging hepe rin ng seguridad ni dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte hanggang 2016.
Sa maikling pagkikitang tumagal lamang ng 15 hanggang 20 minuto, inimbitahan umano si Lacson ng mag-asawa na dumalo sa political rally ng Pinoy Ako party-list group kung saan nominado ang kanilang anak. Gayunman, tumanggi siya sa paanyaya.
“First, out of respect for my friend, Senate President Vicente Sotto III, whose nephew, Mayor Vico Sotto, was running for reelection as Pasig City mayor against Mrs. Discaya. Second, there were other party-list groups who were including my name in their sample ballots, and I thought it was not a smart political decision to join a rally of any party-list group,” aniya.
Binigyang-diin din ni Lacson na walang campaign contribution na napag-usapan o inialok sa kanilang pag-uusap. “I did not receive, nor did the Discayas offer any campaign contribution in whatever form,” paglilinaw pa niya.
“I hope this clarifies whatever insinuations are being attached to this said photograph,” pagtatapos ni Lacson.

