Hontiveros

Pamumuhunan ng GSIS binatikos ni Sen. Risa

156 Views

BINATIKOS ni Deputy Majority Leader Risa Hontiveros ang Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa umano’y alanganing pamumuhunan. Giit niya, ang pensiyon ng mga kawani ng gobyerno ay hindi dapat ituring na “gambling chips to be tossed. Kasabay nito, nanawagan siya ng masusing pagsusuri sa mga batas at panuntunang gumagabay sa pamumuhunan ng ahensiya.

Pinamunuan naman ni Senador Mark Villar ang pagdinig ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises at iginiit na hindi dapat mabawasan ang pondo, tumaas ang hulog, o madagdagan ang kontribusyon ng mga empleyado ng gobyerno dahil sa mga investment ng GSIS. Aniya, ang mga pondong hawak ng ahensiya ay “entrusted to them by the Filipino people” kaya’t obligadong maging maingat sa kanilang pasya.

Isa sa mga tinutukan sa pagdinig ang iniulat na ₱1 bilyong pamumuhunan ng GSIS sa DigiPlus Interactive Corp., isang kumpanyang may kaugnayan sa online gaming. Iginiit ng GSIS na ang hakbang ay alinsunod sa kanilang guidelines, bahagi ng diversification strategy, at hindi ginawa nang pabigla-bigla.

Noong Agosto, tiniyak ng GSIS na nananatiling “strong, secure, and actuarially sound” ang kanilang pondo na may assets na ₱1.88 trilyon hanggang Hunyo 2025 at limang taong average return na 6.75 porsiyento. Nangako rin silang magiging bukas at transparent sa lahat ng tanong mula sa mga mambabatas at publiko.

Dagdag pa ng GSIS, patuloy nilang nire-review ang investment policies at risk control measures upang mapalaki ang kita ng mga miyembro nang hindi lumalampas sa itinakdang asset classes.

Binigyang-diin ng mga senador sa pagdinig na dapat tiyakin ng GSIS na hindi maaapektuhan ang benepisyo at kontribusyon ng mga miyembro ng gobyerno. Nanawagan din sila ng repaso sa investment rules upang matiyak na ang mga pondong pampensiyon ay hindi napapasok sa sektor na may mataas na panganib, gaya ng gambling-related businesses.

Inaasahan namang maglalabas ng rekomendasyon ang Senate panel hinggil sa posibleng pagbabago sa investment guidelines at oversight mechanisms. Nakatakdang magbigay rin ang GSIS ng update sa publiko kaugnay ng policy adjustments, risk limits, at disclosures, kabilang ang kanilang pamumuhunan sa DigiPlus.