Pangilinan

Pangilinan binatikos Land Bank sa P457M withdrawals ng kontratista ng DPWH

355 Views

IPINAHAYAG ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pagkabahala sa Land Bank of the Philippines kaugnay ng umano’y paglabas ng halos P457 milyon cash na winidraw ng mga kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH) flood-control projects sa loob lamang ng dalawang araw.

Sa kanyang manifestation, tinuligsa ng senador ang naging pahayag ng Land Bank na “strongly refuting insinuations” ng iregularidad.

“Bilang taxpayer at bilang pasweldo ng taumbayan, medyo nakakaasiwa at nakakabahala ang statement na nilabas ng Land Bank kahapon. Ang lumalabas sa ating pagdinig, ginamit ang Land Bank, naglabas ng halos kalahating bilyong pisong cash sa loob ng dalawang araw na sa Land Bank mismo winidraw ng mga kontratista,” wika ni Pangilinan.

Iginiit niya na hindi sapat ang rason ng bangko na sila ay “faithfully and strictly” na sumunod sa lahat ng batas. “Ibig sabihin ba dahil walang mali sa paglabas ng P457 million cash sa dalawang araw ay mauulit ito? We beg to disagree. Dapat sana sinabi nila, ‘maghahanap kami ng paraan para hindi na mangyari ulit ito.’”

Binigyang-diin niya: “Tandaan po natin: pera ito ng gobyerno, ng taumbayan. Pera na kinubra sa kanila o inuutang sa ngalan nila. Pera na dapat napupunta sa pagkain, edukasyon, kalusugan, at kabuhayan.”

Ayon kay Pangilinan, imbes na ipagmalaki lamang ang pagsunod sa batas, dapat ay nagpakita ng mas malinaw na hakbang ang bangko. “Given our expertise and 62 years of experience in handling government funds, we will help review the laws, particularly on anti-money laundering and especially if they involve government contractors,” aniya.

“Your commitment ‘to the highest standards of integrity, regulatory compliance, and public trust’ demands this. Otherwise yung deklarasyon ay empty ika nga. It is not enough to not do bad. We must not stand idly by while bad is happening, or while bad is already being exposed to everyone. Pakiusap po ito: please, please, Land Bank, let us do better for our people,” dagdag pa ng senador.

Sa Q&A ng sesyon, nilinaw ni Pangilinan na obligadong i-report ng mga bangko ang kahina-hinalang transaksyon sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act (AMLA). “Kung faithfully sinusunod ng Land Bank ang applicable banking laws sa issue, ano sana dapat ang kanilang ginawa? Under the AMLA law, they are mandated to report suspicious transactions… bakit hindi nagsampa ng kaso?” tanong niya.

Dagdag pa niya, mas mataas na pamantayan ang dapat pairalin sa government banks: “Clearly, we cannot allow government banking institutions to have the same set of rules and regulations as private entities and corporations.”

Tinukoy rin niya ang memorandum ng Bangko Sentral ng Pilipinas na inilabas matapos ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee, na nagbabawal ng cash releases na higit sa P500,000 at dapat ay tseke na lamang. “Pwede naman pala. Kaya naman palang gawin,” aniya.

Inalala rin ni Pangilinan ang mga larawang lumabas na nagpapakita ng DPWH district engineers na may limpak-limpak na pera umano galing sa Land Bank: “Ito ay i-withdraw at dalhin sa district engineer. In fact, if I recall correctly, ang cash na nakita sa larawan, ang limpak-limpak na salapi na nakapatong sa lamesa, galing yan sa Land Bank.”

Sumang-ayon ang ilang senador sa kanyang punto, iginiit na mas mataas ang pananagutan ng mga institusyon ng gobyerno.