Sat session sa pagdidnig ng kaso itinakda sa NAPOLCOM

Jun I Legaspi Oct 3, 2025
254 Views

INAATAS ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Vicente Calinisan ang deliberasyon ng mga nakabinbing kaso ng mga pulis, kabilang ang pagsasagawa ng mga sesyon tuwing Sabado simula Oktubre 4, 2025.

Gaganapin ang mga deliberasyon sa NAPOLCOM building sa kanto ng EDSA at Abenida Quezon, Quezon City.

Bibigyan ng opsyon ang mga opisyal mula sa mga rehiyon na makilahok sa pamamagitan ng Zoom meeting at ilalabas ang mga draft ng kaso hindi bababa sa limang (5) araw bago ang sesyon upang mabigyan ng sapat na panahon para sa pagsusuri at pagbibigay ng komento.

Binigyang-diin ni Commissioner Calinisan na ang inisyatibong ito ay alinsunod sa kanyang direktiba na maabot ang zero backlog ng lahat ng nakabinbing kaso bago matapos ang 2025.

“Bahagi ito ng aming pangako na tiyakin ang pananagutan at integridad sa hanay ng kapulisan. Ang hustisyang naantala ay hustisyang ipinagkait, kaya’t determinado kaming resolbahin ang lahat ng nakabinbing kaso nang walang pag-antala,” ani Calinisan.