Calendar
CIDG inaresto suspek sa bentahan ng P15.5-M halaga ng DSWD relief goods
INARESTO ng mga ahente ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Huwebes ang isang babae na umano’y sangkot sa ilegal na pagbebenta ng mga relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isinagawang operasyon sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat na ipinadala kay PNP-CIDG Director Major General Robert Alexander A. Morico II, nagsagawa ng operasyon sa loob ng isang bodega sa Juan Luna Street, Barangay 56, Tondo, matapos makatanggap ng impormasyon ang CIDG National Capital Region Field Unit tungkol sa umano’y bentahan ng “DSWD Family Kit” na may markang “Not for Sale.”
Dakong alas-10 ng gabi ng Huwebes, sinalakay ng mga operatiba mula sa CIDG NCR Field Unit sa pamumuno ni Lieutenant Colonel John K. Guiagui, kasama ang mga kinatawan ng DSWD, ang nasabing bodega at inaresto ang suspek na may alyas na ‘Janice.’
Mahaharap ang suspek sa kasong kriminal sa paglabag sa Section 19(e) ng Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 (kaugnay sa pagbebenta ng relief goods) at Article 179 ng Revised Penal Code (illegal na paggamit ng insignia o opisyal na marka).
Nasamsam sa operasyon ang 6,000 kahon ng DSWD Family Kits na may markang “Not for Sale,” na may kabuuang halagang P15,520,000.
Nilinaw ng DSWD na ang mga natagpuang produkto sa isinagawang entrapment operation sa Tondo, pati na ang nasabing bodega, ay hindi pagmamay-ari, pinapatakbo, o konektado sa ahensya.
Binigyang-diin rin ng DSWD na walang empleyado ng DSWD ang sangkot sa insidente.
Mariing kinondena ng DSWD ang walang pahintulot na paggamit ng kanilang opisyal na logo at ang anumang tangkang linlangin ang publiko sa pamamagitan ng mga produktong nagpapanggap na opisyal mula sa ahensya. Ayon sa kanila, ang ganitong gawain ay hindi lamang panlilinlang sa mamamayan, kundi pagsira rin sa integridad at kredibilidad ng kagawaran.
Ipinahayag din ng DSWD ang buong suporta nito sa imbestigasyong isinasagawa ng PNP-CIDG at handa silang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga may sala.
Gayunman, iginiit ng inarestong suspek na ang mga kit na nasamsam ay umano’y “sobrang supply” mula sa kanilang kontrata sa DSWD at hindi binayaran ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Maj. Gen. Morico na ang operasyon sa Maynila ay bahagi ng kanilang layunin na ipagtanggol ang karapatang-pantao ng mamamayan sa buhay at ari-arian, lalo na ang mga kabilang sa pinakamahihinang sektor tuwing may kalamidad o emergency.
Dagdag pa ng opisyal, ang relief goods at tulong mula sa pamahalaan ay nakalaan lamang para sa mga biktima ng sakuna at kalamidad, at hinding-hindi dapat ibenta, ilihis, o gamitin para sa pansariling interes.
Ang nasabing operasyon ay alinsunod sa programang prayoridad ng PNP Acting Chief, Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

