Gatchalian

Iregularidad sa baha projects hiniling maging eye opener

327 Views

BINATIKOS ni Senator Sherwin Gatchalian kamakailan ang umano’y mahihinang proseso sa pagpaplano at pagbabadyet ng gobyerno na nagiging daan para sa korapsyon, kasabay ng pagdinig sa Senado sa ₱15.34-bilyong panukalang pondo ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).

Tinukoy ni Gatchalian ang mga naunang kaso ng iregularidad sa mga proyektong flood control na aniya’y dulot ng kahinaan ng sistema. “All of these things that we are seeing right now is a product of poor planning, poor coordination, and poor collaboration between planning and budgeting. Let’s use this as an eye-opener,” pahayag ng senador. Giit niya, ang kawalan ng matibay na proseso ay nagbigay-daan sa katiwalian at nagpahintulot sa mga kontratista na pagsamantalahan ang butas sa sistema.

Dagdag pa niya, tanging 35 porsyento lamang ng mga proyektong inendorso ng Regional Development Councils (RDCs) ang naisama sa National Expenditure Program (NEP) sa nakalipas na limang taon. “That means 65 percent did not reach the NEP. Kaya marami sa kanila lumalapit sa mga congressmen at senators dahil hindi naisama ang kanilang RDC-endorsed projects,” ani Gatchalian. Iginiit pa niya na taliwas ito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kapag nag-endorso, awtomatikong nasasama ang proyekto.

“Pagdating sa DPWH, pag nag-endorse is DPWH, gospel truth na siya. Automatic, papasok na siya sa NEP, which is contrary to what we want to achieve—planning and budgeting,” aniya, sabay diin na ito ang dahilan kaya’t may mga proyektong hindi naaayon sa lokal na plano, gaya ng flood control structures na hindi akma sa drainage system ng LGUs.

Ayon naman kay DEPDev Secretary Arsenio M. Balisacan, kailangan ng dagdag na suporta para sa mga RDC at LGUs upang makapaglatag ng mas maayos na feasibility studies at maging handa ang mga proyekto. “We appeal to Congress to provide more support for institutional strengthening of LGUs, as well as resources for RDCs to perform monitoring and evaluation,” ani Balisacan.

Binanggit din ng senador ang mababang pondo para sa Philippine Innovation Fund na dapat ₱6 bilyon mula 2020 hanggang 2025 ngunit ₱300 milyon lang ang naibigay. “If you give a small amount, obviously the yield might not be as big as what we expect,” ani Gatchalian. Iniulat ng DEPDev na 57 proyekto ang nakatanggap ng pondo, kabilang ang mga mini-hydro project sa liblib na lugar, AI-based livestock tracking system, at inobasyon sa depensa at tela, ngunit karamihan sa mga benepisyaryo ay mula sa public sector dahil sa limitasyon ng General Appropriations Act.

Samantala, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang 2024 community-based monitoring system (CBMS) ay nagpakita na mas kaunti ang kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). “If only 3 million families are qualified instead of 4.4 million, we can save ₱25 billion to ₱30 billion,” giit ni Gatchalian. Ayon sa PSA, 26.3 milyong kabahayan ang na-survey noong 2024, at 3.1 milyon na ang na-validate para sa 4Ps.

Nag-ulat din ang PSA na 90 milyong Pilipino na ang rehistrado at verified sa National ID system, ngunit may backlog pa ng 35 milyong physical cards. Upang tugunan ito, pinabilis ang digital national ID na ngayon ay ginagamit na sa social protection at financial services.

Pinangunahan ni Balisacan, dating director ng NEDA, ang presentasyon ng 2026 budget ng DEPDev at mga attached agencies nito, kabilang ang Commission on Population and Development, Philippine Statistics Authority, Tariff Commission, Public-Private Partnership Center, at Development Academy of the Philippines. Ang DEPDev ay nilikha sa pamamagitan ng Republic Act No. 12145 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. noong Abril 10, 2025, na nag-angat sa NEDA bilang executive department.