Isko

Yorme payag ibenta bigas sa Manila direkta mula magsasaka

Edd Reyes Oct 10, 2025
363 Views

NAGPASAKLOLO si dating Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol kay Manila Mayor Isko Moreno para tulungan ang mga umiiyak ng mga magsasaka dahil sa malaking lugi sa mga inani nilang palay.

Sa pagbisita niya sa alkalde kasama ang mga lider magsasaka, sinabi ni Piñol na nasa P8 hanggang P10 per kilo na lang ang bentahan ng palay ng mga magsasaka bunga ng pagbaha ng imported ng bigas sa mga pamilihan.

Marami sa mga magsasaka ang hindi na masambot ang kanilang puhunan kaya napipilitan silang umutang kahit mataas ang ipinapataw na interes para lamang makaraos.

Ibinahagi ni Piñol sa alkalde ang karanasan ng kasama niyang lider na si Danilo Bolos na dating overseas Filipino worker na mula sa 10-ektaryang sakahan ay napalago niya hanggang 30 subalit dahil sa sobrang taas na ng pataba, pesticides, at mababang bentahan ng palay ay dumadaing na rin.

Umapela si Piñol kay Mayor Isko Moreno na tulungan ang mga magsasaka sa Nueva Ecija, Palawan at Mindoro na mailuwas ng direkta sa Maynila ang kanilang mga bigas upang maibenta sa mga pamilihan sa lungsod.

“Baka pwede maisakay ng mga magsasaka ang mga premium na bigas, tapatan natin ang rice cartel, at ibenta sa merkado sa mas mababang halaga kaysa imported,” pakiusap ni Piñol.

Tinanggap naman ng alkalde ang mungkahi ni Piñol alu’t matagal nang nagsisilbing agricultural hub ang Manila dahil dito dinadala mula sa mga probinsiya ng mga magsasaka ang kanilang pananim para ibenta.

“Since hindi pa ako pinapanganak, Recto is already an outlet for farmers, mga taga-Pampanga, d’yan nagbabagsak ng pakwan, singkamas at iba pang produkto,” sabi ng alkalde.

Inatasan na rin ng alkalde si Manila Market Administration Office Director Joey Hizon na tulungang makahanap ng puwesto ang mga magsasaka sa mga pamilihan upang direkta na nilang maibenta ang kanilang bigas sa mamamayan.