Senate

Speaker Dy: Di kailanman titigil ang Kongreso sa pakikinig at mananatiling bukas

292 Views

HINDI kailanman titigil ang Kongreso sa pakikinig at mananatiling bukas.

“At sa lahat ng mga pumupuna sa ating institusyon, maraming salamat din po. Kayo po ang umuudyok sa amin na ituwid ang ating mga gawain at isaayos ang mga plano at programa para sa ating mga kababayan.”

Ito ang sinabi ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III noong Lunes, kung saan binigyang-diin niya na pinahahalagahan ng Kongreso ang makabuluhang puna o constructive criticism, at kinilala niya ang mahalagang papel ng mga pumupuna sa pagpapalakas ng institusyon ng lehislatura.

Aminado si Dy na kasalukuyang nakararanas ng masusing pagsusuri ang Mababang Kapulungan, ngunit tiniyak niyang patuloy na makikinig ang Kongreso sa taumbayan.

“Kung mayroon pa po kaming pagkukulang, sige lang po; nandito lang po kami; handa po kaming makinig sa inyo. Hindi kami titigil sa pakikinig. Palaging bukas ang Kongreso para sa inyo.”

Bilang unang Speaker na mula sa lalawigan ng Isabela, hinikayat din ni Dy ang kanyang mga kapwa mambabatas na ituring ang pagtatapos ng sesyon bilang simula ng isang bagong kabanata—isang kabanatang dapat na pinangungunahan ng pananagutan, integridad, at tapat na paglilingkod sa publiko.

Ayon pa sa kanya:

“Sa panahong ito, kinakalampag tayo ng ating mga konsensya na maisakatuparan natin ang tunay na reporma—mga repormang magpapanumbalik sa tiwala ng taumbayan sa ating institusyon.

Tungkulin nating lahat na ituwid ang dapat ituwid at pagbutihin pa ang ating serbisyo sa bayan.”

Binigyang-diin din ni Dy na patuloy na magsusulong ang Kongreso ng transparency at accountability sa lahat ng gawain nito, at sinabi niyang ang lehislatura ay nararapat na maging isang “tahanan ng malasakit at tapat na paglilingkod.”

Sa pagtatapos ng sesyon, nanawagan siya sa mga mambabatas na huwag ituring ang adjournment bilang pagtatapos, kundi isang panibagong simula para sa institusyon.

“Mga minamahal ko pong kasama, habang nagtatapos tayo sa araw na ito ay nagsisimula tayong muli. Maaaring ito’y pagtatapos ng ating sesyon, ngunit ito rin ay simula ng isang panibagong kabanata—isang pagkakataon upang lalong mapagbuti, mapalawak, at mapagtibay ang ating sinumpaang tungkulin sa sambayanan.”

At kanyang pagtatapos:

“Tandaan po natin, sa bawat pagbabago ay may panibagong simula. At sa bawat wakas ay may naiiwang kasaysayan na lumilikha ng tunay na paghubog para sa kinabukasan ng bawat pamilyang Pilipino. Pagtibayin natin ang ating pagtitiwala sa bawat isa nang makapaghandog tayo nang tunay na pagbabago tungo sa pag-unlad ng Bagong Pilipinas.”